Isang ina mula Cebu City ang nagtamo ng iba’t ibang paso sa katawan matapos niyang sanggahan ang kaniyang mga anak mula sa sunog sa kanilang tirahan.
Nangyari ang nasabing sunog sa Sitio Alaska Centro, Barangay Mambaling, Cebu City nitong Martes ng umaga, Enero 21, 2025.
Kinilala ang biktima na si Mary Ann Alegado na iniharang ang kaniyang katawan upang hindi raw nahagip ng naglalagblab na apoy sa kanilang tahanan ang kaniyang mga anak habang sinusubukan nilang makalabas dito.
Nabalian din ng buto ang kapatid ni Mary Ann na si Mark Joseph matapos nitong sipain ang pintuan upang makalabas sila sa nag-aapoy na tirahan.
Ayon sa ulat ng Brigada News nitong Martes, Enero 21, 2025, itinaas sa unang alarma ang sunog sa tirahan ni Alegado bandang 3:38 ng umaga habang bandang 4:20 naman ng umaga nang tuluyang naideklarang fire out ang nasabing lugar.
Tinatayang umabot umano sa ₱750,000 ang naging halaga ng pinsala.
Samantala, wala namang naiulat na nasawi sa insidente habang patuloy pa ring inaalam ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.