Pumanaw na ang 84 taong gulang na lola sa Cebu na napaulat na sinilaban nang buhay ng kaniyang sariling manugang.
Ayon sa ulat ng Brigada News Philippines noong Linggo, Enero 19, 2025, halos dalawang linggo matapos ang krimen, pumanaw na ang nasabing biktima noong Biyernes, Enero 17.
Matatandaang nauna nang maiulat ang sinapit ng biktima sa kamay ng kaniyang manugang matapos siyang sabuyan ng gasolina at silaban nang buhay habang naglalaba. Ang naturang insidente ay nagawa pang makunan ng video ng 11 taong gulang na anak ng suspek.
KAUGNAY NA BALITA: 84-anyos na lola, minaltrato ng manugang; sinilaban ng buhay!
Nagawa pa umanong salubungin ng matanda ang kaniyang kaarawan noong Enero 15 habang nasa ospital. Batay sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na nagalit umano ang suspek sa biktima, sa paniniwala nitong bine-brainwash daw ng matanda ang kaniyang anak, dahilan upang hindi ito umuwi sa kanilang tahanan.
Samantala, nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated murder.