Inanunsiyo ni showbiz insider Ogie Diaz na opisyal na raw nagwakas ang kaniyang game talk show na “Quizmosa” sa TV5.
Sa latest episode ng “Showbiz Updates” noong Biyernes, Enero 17, pinasalamatan ni Ogie ang nasabing TV network na nagtiwala sa kaniya bilang host.
“Kami ay nagpapasalamat sa Kapatid Network for trusting us at for believing in us. Ang importante e may relationship pa rin tayo sa TV5,” saad ni Ogie.
Dagdag pa niya, “Siyempre, gano’n naman talaga. Wala namang permanente sa mundo. Some good things never last, ‘ika nga.”
Ayon kay Ogie, una pa lang daw ay nilinaw na sa kanila na tatlong buwan lang umano ang itatagal ng palabas at tumupad naman daw ang network sa usapan.
“Kasi mayro’n silang hinihintay na show. Habang pansamantalang hinihintay ‘yon, kami muna,” aniya.
Sa kabila nito, tila may bago pa ring aabangan sa showbiz insider dahil ayon sa kaniya ay mayroon daw siyang meeting kasama ang mga TV executive bagama’t hindi siya nagbigay ng iba pang detalye.
Matatandaang inanunsiyo ni Ogie ang tungkol sa “Quizmosa” noong Oktubre 2024 sa kaniya ring showbiz-oriented vlog.
MAKI-BALITA: 'OGD!' Ogie Diaz, magkakaroon ng bagong show sa TV5