January 15, 2025

Home SPORTS

Amores magle-lechong manok business muna: 'Mapapa-knockout ka sa sarap!'

Amores magle-lechong manok business muna: 'Mapapa-knockout ka sa sarap!'
Photo courtesy: Screenshots from Pinoy Pawnstars (YT)

Gagamitin daw ng kontrobersiyal na basketball player na si John Amores ang napagbentahan niya sa dalawang items na dinala sa content creator at pawnshop owner na si "Boss Toyo" para itayo ang kaniyang negosyong lechon manok, matapos siyang tanggalan ng professional license.

Matatandaang natanggalan ng lisensya ang Philippine Basketball Association (PBA) player dahil sa kinasangkutang shooting incident kamakailan, bukod pa sa pananapak sa National Collegiate Athletic Association o NCAA Season 98 noong 2022.

Bumisita si Amores kay Boss Toyo noong Enero 11 (umere sa YouTube channel nitong Enero 14) kung saan dala-dala niya ang suot na jersey ng Jose Rizal University (JRU) nang magwala siya at manapak ng mga kapwa manlalaro mula naman sa College of Saint Benilde sa NCAA Season 98.

Matatandaang pinadalhan naman siya ng sulat mula sa Office of the Vice President (OVP) at binigyan siya ng ilang words of wisdom ni VP Sara. Inilagay niya ito sa frame at kasamang inialok kay Boss Toyo.

John Amores, nagsalita sa isyung naging 'kabit' siya ni VP Sara

Dito rin ay nilinaw na rin ni Amores na hindi totoo ang mga bintang noong "kabit" siya ni VP Sara at binigyan siya ng resort at gasolinahan.

"Na-issue 'yan eh. Parang kabit daw ako ni VP Sara. Binigyan daw ako ng resort tapos binigyan ako ng gasolinahan," sey ni Amores.

Nang tanungin ni Boss Toyo kung nasaan daw ang resort na ibinigay umano sa kaniya ng Pangalawang Pangulo, "Wala! Sinisira lang talaga siya. Ito ang [tumutukoy sa sulat] 'yong ibinigay niya sa akin."

MAKI-BALITA: John Amores, nagsalita sa isyung naging 'kabit' siya ni VP Sara

Nais ibenta ni Amores ang jersey at sulat sa presyong ₱200k pero hindi sumang-ayon dito si Boss Toyo. May tinawagan pang eksperto si Boss Toyo para alamin kung magkano mabibili ang kontrobersiyal na uniporme ni Amores. Sa huli, nagkabatakan sila sa halagang ₱67,500.

Pinapirmahan ni Boss Toyo ang dalawang item kay Amores.

Sa ngayon daw, habang wala pa siyang trabaho ay gagamitin niya ang pera sa negosyong lechon manok, na may pangalan na raw na "Amores Lechon Manok: Mapapa-knockout ka sa sarap!"

Sa huli, nasabi rin ng basketball player na muli niyang babalikan at bibilhing muli ang jersey kapag nagkapera na siya, dahil aniya, mahalaga ito para sa kaniya.

MAKI-BALITA: John Amores nagpunta kay Boss Toyo para ibenta JRU jersey, sulat ni VP Sara