Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Enero 12, na tatlong weather systems pa rin ang nakaaapekto sa malaking bahagi ng bansa.
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang weather system na shear line, o ang linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin, ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Bicol Region, MIMAROPA, Eastern Visayas, at Quezon.
Maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms din ang inaasahang idadala ng ikalawang weather system na easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, sa Caraga, Davao Region, Saranggani, at South Cotabato.
Samantala, malaki ang tsansang magdadala ang weather system na northeast monsoon o malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Aurora.
Bukod dito, magdudulot din ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng Visayas at Mindanao dahil pa rin sa easterlies.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).