Kung nagawa raw sumuko nang kusa ni Kapuso comedy star Rufa Mae Quinto sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng mga kasong kinahaharap niya dahil sa "Dermacare," hindi naman naiwasang "dogshowin" ng mga netizen ang hindi maiiwasang sundot pa rin ng humor sa mga panayam sa kaniya ng media sa seryosong usaping kinahaharap niya.
MAKI-BALITA: Rufa Mae Quinto umuwi ng Pinas, sumuko sa NBI
In fairness daw kay Peachy, kahit medyo mabigat ang pinagdaraanan niya ngayon, nagagawa pa niyang pumanchline at daanin na lamang sa biro ang lahat.
Although aminado siyang kabado siya sa mga nangyayari, dahil sino nga naman daw ang hindi nenerbyusin sa kinahaharap niya ngayon, sa katunayan ay nagsuka at nahilo pa nga siya nang unang araw nang pagtungo nila sa NBI para mag-file ng piyansa sa Pasay court, eh positibo pa rin siyang malalagpasan niya ang lawsuits na kinahaharap niya dahil wala raw siyang kasalanan at biktima lang din.
"Biktima din po tayo kaya lahat haharapin. Go, go, go, basta hinaharap. Saka hindi maganda kasi reputasyon na yung sinisira kaya humaharap ako para i-clear ko yung name ko, di ba?" aniya sa panayam sa kaniya ng ABS-CBN News noong Enero 8.
Natanong din si Peachy (palayaw ni Rufa Mae) kung magsasampa rin siya ng kontra-demanda sa mga taong naging dahilan kung bakit siya nasangkot sa kasong ito.
"Pag-iisipan namin kung may isip pa ako," aniya.
"Hindi, tapusin muna to, isa-isa lang. Kasi kadarating ko lang from the airport, from the U.S., so one by one, step by step."
Sa mas seryosong mode, sinabi ni Rufa Mae na hindi siya ang dapat habulin at hanapin ng mga awtoridad kundi ang mismong may-ari ng Dermacare na hindi mahagilap sa ngayon.
"Alam mo, sa totoo lang, ang hanapin nila ang may ari, 'yon 'yong talagang may-ari. Saka wala naman akong kinalaman sa kanila. Di ko naman sila na-meet or nakilala."
Sa katunayan nga raw ay tumalbog pa ang mga inisyung tseke sa kaniya bilang kabayaran sa pagiging endorser.
MAKI-BALITA: Rufa Mae sa kaso niya: 'Biktima rin ako... Go, go, go, basta hinaharap!'
Nakarating naman kay Rufa Mae ang ilang social media posts at memes na ginawa sa kaniya dahil sa positibo niyang pagharap sa problema.
Sabi nga ng mga netizen, problema na raw ang kusang susuko kay Rufa Mae dahil kahit ano yatang harapin ng comedy star ay kaya nitong daanin sa biro at gawing light pa rin.
Ibinahagi ni Rufa Mae ang screenshots ng ilan sa mga ito sa kaniyang Instagram stories.