Patuloy pa rin ang epekto ng tatlong weather systems na northeast monsoon o amihan, shear line at Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa bansa ngayong Sabado, Enero 11, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang shear line, o ang linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin, ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Visayas, Bicol Region, at MIMAROPA.
Inaasahan namang magdadala ang weather system na Intertropical Convergence Zone (ITCZ), o ang linya kung saan nagtatagpo ang hangin mula sa northern at southern hemispheres, ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na mga pag-ulan at isolated thunderstorms sa Davao Region at SOCCSKSARGEN.
Samantala, malaki ang tsansang magdadala ang malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora, at Quezon.
Bukod dito, magdudulot din ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng Mindanao dahil sa localized thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).