Isang bonggang regalo ang ibibigay ni Small Laude sa kaniyang "angel" o house helper na si Yaya Lotlot.
Sa isang latest vlog ni Small sa kanilang family Hong Kong trip, mapapanood ang emosyonal na si Lotlot nang sabihin sa kaniya ng kaniyang amo na tutulungan siya nitong makabili ng house and lot.
Si Lotlot kasi ay isang single mom sa dalawang anak na may edad 11 at 9 years old.
Saad ni Lotlot, kahit maliit lang ng lupa ay okay na sa kaniya. Siya na nga raw ang bahala sa bahay basta ang lupa ay bibilhin ni Small.
"Ma’am, kahit lupa lang sa iyo, akin na yung bahay. Okay na po ako doon," sey Lotlot habang umiiyak.
Biro pa ni Small, "Sige. Tutulungan kita bumili ng house and lot. Lot, alam mo tuwing nagki-clean ka sa room ko umiiyak ka. Bakit ka umiiyak?"
Sagot ni Lot, "Kahit maliit lang po [na lupa], okay na po sa akin.”
"Hindi kahit malaki," sey naman ni Small. "Bakit magkano ba ang lupa?"
"Half million, ma'am, may lupa ka na," sagot ni Lotlot.
"Ay ang mura. O, sige, maghulugan ka pero bayaran mo hindi ako," pagbibiro na naman ni Small.
"Dream ko 'yang house and lot talaga, ma'am, promise. Mawala man ako, may maiiwan ako sa mga bata," pagbabahagi ni Lotlot.
Pero bilang seguristang si Lotlot, "Ma'am, kukunin ko na po talaga 'yon, ma'am? Pag-uwi ng Pilipinas?"
"Oo, kunin mo na," ani Small. Habang masayang-masaya naman si Lotlot.
Bukod dito, nangako rin si Philip Laude, asawa ni Small, na sasagutin niya ang pagdi-Disneyland ng mga anak ni Lotlot.
Bongga!