Pumalo ng tinatayang ₱3.9 milyong halaga ng mga ilegal na paputok ang nasabat ng Philippine National Police batay sa inilabas nilang datos nitong Miyerkules, Enero 1, 2025.
Katumbas ng nasabing milyong halaga ng mga paputok ang 593,094 kabuuang bilang ng mga ito. Malaki raw ang itinaas nito sa pagpasok ng 2025, kumpara sa unang datos na inilabas ng ahensya noong bisperas ng Bagong Taon nitong Martes, Disyembre 31, 2024, kung saan ₱2.5 milyon pa lamang ang kanilang inisyal na datos mula sa 535,960 mga paputok na kanilang nasakote.
Samantala, sa panayam ng Dobol B TV kay PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardom noong Disyembre 31, inihayag niya na umabot naman daw sa 7,000 mga boga ang nasamsam ng PNP, na ayon sa kanila ay bumiktima na raw sa 80 mga menor de edad.
“Malaki na po yung insidente natin involving boga po. As of yesterday po, nasa around 80 na po yung ating na-record na na-injure as a result po ng paggamit po ng boga. Nakakalungkot dahil mga minors yung mga biktima po dyan,” ani Fajardo.
Pumalo naman sa apat na katao ang kumpirmadong nabiktima ng ligaw na bala, ilang oras bago ang naging pagsalubong sa 2024.
KAUGNAY NA BALITA: 4 sugatan matapos tamaan ng ligaw na bala ilang oras bago ang Salubong 2025
Kaugnay nito, inanunsyo naman ng Department of Health (DOH) na mas mababa naman daw ang naitalang firecrackers-related injuries sa pagpasok ng 2025 kumpara umano noong 2024.
KAUGNAY NA BALITA: Bilang ng mga naputukan sa pagsalubong sa 2025, mas mababa kumpara sa 2024—DOH