Isang lalaking lasing ang dinakip ng pulisya sa Cebu City matapos pumasok sa bahay ng kaniyang kumare at aksidenteng makatalik ito.
Ayon sa ulat ng Frontline Pilipinas ng TV5, inakala rin daw ng babae na mister niya ang tumabi sa kaniya. Bisperas daw ng Pasko, Disyembre 24, nang magkainuman ang mga magkakapitbahay.
Una raw sumuko at umuwi ang babaeng biktima, at kalaunan, sumunod na rin ang suspek subalit sa ibang bahay siya napadpad dulot ng labis na kalasingan.
May nangyari daw ang dalawa sa pag-aakalang mga asawa nila ang kanilang kasiping.
Kinabukasan, araw ng Pasko, nagulantang si Kumare na si Kumpare pala ang kaniyang nakatalik nang gabing iyon matapos siyang magising. Agad daw siyang nagtungo sa presinto at nagsumbong sa pulisya. Inaresto naman ang kaniyang kumpare.
Humingi raw ng paumanhin ang suspek sa kaniyang kumare at sa mismong mister nito.
Sa panayam naman sa misis ng suspek, bagama't nasaktan daw siya sa mga nangyari, nagsusumamo siyang huwag daw sanang ikulong ang kaniyang mister. Kilala raw niya ang asawa kaya kapag nalalasing ito, talagang binabantayan niya.
Sa kabilang banda, desidido raw ang biktima na magsampa ng mga kasong rape at trespassing sa suspek.