Inaasahang magpapaulan ang trough ng low pressure area (LPA), northeast monsoon o amihan, at shear line sa malaking bahagi ng bansa ngayong Sabado, Disyembre 21, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms ang CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Visayas, at Dinagat Islands dahil sa shear line o ang linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin.
Maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms din naman ang inaasahang mararanasan sa Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi dulot ng trough ng low pressure area (LPA) na huling namataan 1,575 kilometro ang layo sa kanluran ng Mindanao sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Ayon sa PAGASA, bagama’t posibleng mabuo bilang bagyo ang LPA sa susunod na 24 hanggang 48 oras, hindi ito inaasahang papasok sa loob ng PAR.
Samantala, malaki ang tsansang magdudulot ang malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Metro Manila, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora, Nueva Ecija, at Bulacan; at ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated light rains sa mga natitirang bahagi ng Luzon.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng Mindanao bunsod ng trough ng LPA.