May simple at classy na sagot si Kapamilya star Janine Gutierrez sa isang netizen na nagkomento sa kaniyang mga larawan bilang calendar girl ng isang liquor brand.
Pinuna kasi ng isang netizen ang mga larawan ni Janine na tila dumaan daw sa proseso ng "photoshop" o editing dahil ang payat at sexy daw niya sa mga larawan sa kalendaryo, pero noong launching ay ang "taba" raw niya.
"Grabe pagkaka edit ah," mababasa sa komento ng netizen.
"Napakanipis niya sa mga photo nya Pro nung launching ang taba niya po Grabe ang photoshop," saad nito, na naka-tag pa sa official Instagram account ng kompanya.
Maayos naman itong sinagot ni Janine. Aniya, noong Oktubre pa raw nila ginawa ang shooting nito, at ang launching naman ay nito lamang Disyembre.
"[I] can see how this can be confusing! we shot the calendar in october and the launch was in december :)," paliwanag ng "Lavender Fields" star.
"[In] those two months, i went to japan for the film festival, attended thanksgiving parties for our show, and really took a break from strict diet and workout."
"I always take it easy during the holidays and enjoy my body in its different shapes, you should too!" aniya pa.
Kung bibisitahin naman ang Instagram posts ni Janine ay mukhang burado na ang nabanggit na pamba-bodyshame ng netizen.