May isiniwalat si Sen. Bong Revilla patungkol sa isang bagay na matagal na rin daw niyang sinabi sa misis na si Cavite 2nd District Representative Lani Mercado.
Sa media conference na isinagawa noong Sabado, Disyembre 14, 2024 para sa ikatlong season ng sitcom ni Revilla sa GMA network na Tolome: “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis,” ibinahagi ng senador ang kaniya raw pagkakaroon ng anak sa labas.
“Alam ni Lani kung ano yung totoo. Mayroon, but I’m not going to..pero meron. Makikilala n’yo rin kung sino siya, kung sino sila,” anang senador.
Saad pa ni Revilla, hindi naman daw maaaring itago ang mga ganoong bagay dahil anak at kadugo niya raw ‘yon.
“Hindi naman pwede itago ‘yan, unfair ‘yon sa mga bata. Kapag anak mo, anak mo. Dugo mo ‘yon. Mahalin mo ‘yon. At hindi ko ikinahihiya ‘yon,” ani Revilla.
Matatandaang noong 1986 nang magpakasal sina Revilla at Mercado kung saan nagkaroon sila ng mga anak na sina: Bryan, Jolo, Inah, Alexandra, Gianna, Franzel at Ramboy.