December 15, 2024

Home BALITA National

3 weather systems, patuloy na magpapaulan sa malaking bahagi ng PH

3 weather systems, patuloy na magpapaulan sa malaking bahagi ng PH
Courtesy: PAGASA/website

Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong Linggo, Disyembre 15, dahil sa patuloy na pag-iral ng northeast monsoon o amihan, shear line at easterlies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdudulot ang shear line, o ang linya kung saan nagtatagpo ang mainit at malamig na hangin, ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Bicol Region at Northern Samar.

Inaasahan namang magdudulot ang malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora, at Quezon.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga lugar dito dahil sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.

National

Pagbisita ng pamilya kay Mary Jane Veloso, hindi natuloy

Bukod dito, inaasahan ding magdudulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon. Wala namang inaasahang malaking epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms din naman ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga lugar dito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay patuloy namang binabantayan ng PAGASA ang kumpol ng ulap o cloud clusters sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR), kung saan may posibilidad daw na may mabuo ritong low pressure area (LPA) sa suusnod na 24 hanggang 48 oras.