Nagbigay ng mensahe si Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid sa mga kapuwa niya breadwinner nang bumisita siya sa “It’s Showtime.”
Sa latest episode ng naturang noontime show nitong Sabado, Disyembre 13, sinabi ni Regine na natatapos umano ang pagtulong sa pamilya.
“Sa mga breadwinner, gusto kong sabihin sa inyo na natatapos dapat ‘yon. Hindi ‘yon forever. ‘Pag nakatulong na kayo, tapos na. Iisipin n’yo ‘yong sarili n’yo na,” saad ni Regine.
“Natatapos siya. Hindi pwedeng hindi. You have to give yourself time to also grow na as a normal human being. Hindi pwedeng ikaw lahat ang may responsibility,” wika niya.
Dagdag pa ng Asia’s Songbird, hindi raw responsibilidad ng mga anak na maging breadwinner.
Aniya, “I was not obligated to, pero nakita ko kasi ‘yong sitwasyon namin, e [...] Binigyan ako ng maraming pagkakataon, so tumulong ako.”
“Pero hindi, never naging responsibility ng anak maging breadwinner. Because it’s the parents’ responsibility [na] buhayin ‘yong anak mo,” dugtong pa niya.
Ayon kay Regine, 11-anyos pa lang daw ay tumutulong na siya sa pamilya sa pamamagitan ng kaniyang talento sa pagkanta.