January 19, 2025

Home BALITA

Flu-like cases sa bansa, bumaba ng 17%—DOH

Flu-like cases sa bansa, bumaba ng 17%<b>—DOH</b>
(MB FILE PHOTO/John Louie Abrina)

Iniulat ng Department of Health (DOH) na nakakapagtala na sila nang unti-unting pagbaba ng Influenza-Like Illnesses (ILI) sa buong bansa, sa kabila ng unti-unti nang paglamig ng panahon.

Sa datos ng DOH, nabatid na hanggang nitong Nobyembre 30, 2024, nakapagtala na lamang sila ng 165,992 ILI cases, na 17% na mas mababa kumpara sa 200,525 kaso na naiulat sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.

Ayon sa DOH, nagsimula silang makapagtala ng unti-unting pagbaba ng ILIs noong Nobyembre 3 to 16, na nasa 7,571 kaso na lamang, kumpara sa 7,971 kaso mula Oktubre 20 to Nobyembre 2.

Higit pa umano itong bumaba at umabot na lamang sa 3,710 kaso mula Nobyembre 17 to 30 ngunit maaari pa umanong mabago ang datos dahil na rin sa delayed consultations at reporting.

Probinsya

Mag-asawang sakay ng motorsiklo, patay sa ambush; anak himalang nakaligtas

Iniulat din naman ng DOH, na sa kabila ng overall nationwide decline ng ILI cases, may ilang rehiyon pa rin ang nakakapagtala nang pagtaas ng kaso ng ILI cases, mula Nobyembre 3 to 30, 2024.

Kabilang anila rito ang Cordillera Administrative Region (CAR), Bicol Region, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Mahigpit pa rin naman ang paalala ng DOH sa publiko na huwag magpabaya at sa halip ay ipagpatuloy ang pag-iingat laban sa mga naturang karamdaman.

Mas makabubuti pa rin anila kung tatalima sa mga preventive measures upang hindi dapuan ng karamdaman, gaya ng madalas na paghuhugas ng kamay at pagsusuot ng face masks, kung may nararanasang sintomas, tulad ng ubo at sipon.

Pinuri rin naman ng DOH ang collaborative efforts ng kanilang regional offices, local government units, at health partners sa pagtulong upang masugpo ang ILI cases sa buong bansa.

“Maintaining good hygiene practices is essential in limiting the spread of communicable diseases like ILI. With the Amihan season in full swing and the holidays fast approaching, we strongly encourage the proper use of face masks, observing cough etiquette, and staying at home when experiencing symptoms. Consult your nearest primary care physician, and inquire about flu vaccination for yourselves and your families,” ayon naman kay Health Secretary Teodoro Herbosa.