Suspek, suspek, guilty na nag-define din ng heat wave sa Google?
Inilabas na ng search engine giant na Google ang mga nanguna raw sa top searches ng mga Pinoy ngayong 2024.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, inilabas ng Google ang nasabing listahan nitong Miyerkules, Disyembre 11, 2024 kung saan “heat wave” ang nangunang most search word sa Pilipinas.
Tila naging climate conscious nga ang mga Pinoy ngayong 2024 dahil pasok din sa TOP 10 ang “climate change” na nasa ikaanim na puwesto.
Pagdating naman sa mga personalidad, nasa ikalawang puwesto ang pangalan ng yumaong aktres na si Jaclyn Jose, na matatandaang pumanaw noong Marso nitong taon.
KAUGNAY NA BALITA: Jaclyn Jose, pumanaw na
Nasa ikatlo at ikaapat na puwesto naman ang “Olympics” at si two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo na hindi mapagkakailang gumawa ng ingay ngayong taon matapos ang makasaysayan niyang pagkapanalo sa 2024 Paris Olympics.
Naokupa naman ng international film na “Inside Out 2” ang ikalimang puwesto, na naging usap-usapan daw dahil sa mga bago nitong karakter na tila naka-relate nga raw sa maraming manonood.
Mukhang dinamdam din ng Pinoy fans ang pagpanaw ni dating One Direction member Liam Payne na siyang nasa ikawalong puwesto.
Mala-AI conscious na rin ang Pinoy netizens dahil nasa ikapitong puwesto ang ‘Character Ai,” at magkasunod naman sa ikasiyam at ikasampung puwesto ang “AI detector” at “Gemini.”