Inamin ng beauty queen-actress na si Herlene Budol na kung may artista siyang kinatakutan sa isang eksena, ito raw ay ang mahusay at premyadong aktor na si Mon Confiado.
Sa panayam sa kaniya ni Mikee Quintos sa "Lutong Bahay" na napapanood sa GTV Channel 11, tinanong niya ang guest star kung sino sa mga nakasama na niya sa industriya ang ayaw na niyang makatrabaho at kung ano ang dahilan.
Sey ni Herlene, wala naman daw siyang mga kapwa artista na ayaw nang makatrabaho, lahat naman daw ay naging okay.
Pero binanggit ni Herlene ang mahusay na aktor dahil sa impresyon niya ritong nakakatakot.
Sinabi ni Herlene na gusto pa raw niyang makasama sa proyekto ang aktor pero aminado siyang natakot siya nang husto sa kaniya nang magkasama sila sa "Tadhana."
Sobrang galing daw kasi ni Mon pagdating sa kanilang eksena, at nakaramdam daw siya ng tunay na takot sa kaniya.
Pero bilib na bilib daw si Herlene sa angking kahusayan ni Mon.
"Grabe sobrang galing niya, talagang tinakot niya ako, pero gusto ko pa rin siyang makatrabaho..." anang Herlene.
Para sa kaniya, si Mon daw ang pinakamahusay na kontrabidang lalaking nakatrabaho niya, dahil totoong takot daw ang naramdaman niya sa aktor.