December 23, 2024

Home BALITA National

PCG, magpapatupad ng heightened alert ngayong Kapaskuhan

PCG, magpapatupad ng heightened alert ngayong Kapaskuhan
PCG/FB

Nakatakda nang magpatupad ang Philippine Coast Guard (PCG) ng heightened alert simula  Biyernes, Disyembre 13 hanggang Enero 6, 2025, bunsod na rin ng inaasahang pagdagsa ng mga biyahero sa mga pantalan dahil sa panahon ng Kapaskuhan.

Alinsunod sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, nabatid na inatasan na ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang lahat ng Coast Guard districts, stations, at sub-stations na paigtingin ang security at safety measures sa mga pantalan at mga terminal upang matiyak na maayos, ligtas at kumbinyente ang pagbiyahe sa mga karagatan ngayong Christmas season.

Nais din umano nilang masiguro na magiging mapayapa ang pagdiriwang ng Pasko at may sapat na seguridad ang mga turista sa mga beach at private resorts sa buong bansa.

"Our kababayans have long been waiting for this season to spend quality time with their families and loved ones, either at their home provinces or in various vacation spots. Thus, we are anticipating and preparing for the high volume of maritime traffic," ayon kay Gavan, sa isang pahayag nitong Lunes.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

"We conduct 24/7 monitoring of nautical highways routes, especially in the Visayas where most tourist destinations are located. Rest assured, we will ensure maritime security and safety on our western and eastern seaboards, including inter-island routes. Our deployable response groups and the PCG Auxiliary (PCGA) are ready for these operations," dagdag pa niya.

Nabatid na sakop ng western seaboard monitoring ang Batangas, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Aklan, Iloilo, at Zamboanga regions habang ang sakop naman ng eastern seaboard monitoring ang Manila, Bicol region, Samar, Leyte, at Surigao provinces.

Samantala, pinaaalalahanan din ni Gavan ang mga pasahero at kanilang mga kapwa Coast Guardians na maging vigilante sa pag-iinspeksiyon ng mga pasahero at mga gamit ng mga ito para matiyak ang kanilang ligtas na pagbiyahe.

May mga nakaantabay na rin naman aniyang Coast Guard K9 units at security teams na magsasagawa ng istriktong inspeksiyon sa mga passenger terminals at maging sa mga barko.

Magpapatrulya rin ang mga PCG personnel sa mga maritime tourist destinations at magpapakalat ng mga medical teams upang umasiste sa mga biyahero, sakaling magkaroon ng emergency.

"We have safety inspectors in port terminals, law enforcement teams in strategic tourist vacation spots, patrol teams in critical vicinity waters, and deployable response groups on standby for additional security augmentations and rescue missions, as the need arises," dagdag pa ni Gavan.

Nabatid din na ang PCG ay mahigpit na nakikipag-ugnayan sa Philippine Ports Authority (PPA) at Maritime Industry Authority (MARINA) para sa safety at security inspections sa mga barko.