Ibinahagi ni Kapamilya actress Julia Montes ang kinasangkutan niyang aksidente sa set ng pelikulang “Topakk,” isa sa mga lahok sa darating na 2024 Metro Manila Film Festival.
Sa ulat ng ABS-CBN News kamakailan, sinabi ni Julia na napako raw ang tuhod niya habang sino-shoot ang confrontation scene.
“‘Yong eksena na 'yon, nagko-confrontation na 'yong mga characters. 'Yon 'yong first meet up namin ni Arjo, so medyo intense na 'yong mga bagay-bagay,” lahad ni Julia.
“E, nahiya naman akong i-cut ['yong eksena] para sabihin na ‘teka lang napako ako.’ So ang ginawa ko dahil intense 'yong eksena, wala sa akin 'yong camera doon ko hinugot 'yong pako,” wika niya.
Kaya naman pagkatapos ng nangyari, nagpaturok si Julia ng anti-tetanus. Nakatanggap din umano siya ng paalala sa partner niyang si Coco Martin kaugnay sa maingat na pagsasagawa ng maaaksyong eksena.
Pero sa kabila nito, hindi naman daw pinigilan ni Coco si Julia na ipagpatuloy pa rin ang pelikula.
Aniya, “Kasi siya rin naman 'yong unang nagturo sa akin kung papaano hindi naman gumalaw, kung paano 'yong safety.”
“Proud siya [si Coco], hindi naman mawawala 'yon. 'Yong mga safety tips, nagamit naman namin,” dugtong pa niya.
Ayon sa ulat, nakasentro umano ang kuwento ng “Topakk” sa guwardiyang may post-traumatic stress disorder o PTSD na mati-trigger ang emosyon habang pinoprotektahan ang akusadong drug mule.
MAKI-BALITA: 2nd batch ng official film entries sa MMFF 2024, pinangalanan na!