May 22, 2026

Home FEATURES Lifehacks

ALAMIN: Paglantak ng banana, nagdudulot ng sagad na ligaya!

ALAMIN: Paglantak ng banana, nagdudulot ng sagad na ligaya!
Photo courtesy: Freepik

Maraming pag-aaral at health-related articles na nagsasabing ang pagkain ng saging ay maaaring makatulong sa pagpapabuti ng mood o pakiramdam ng isang tao. Ito ay dahil sa kombinasyon ng nutrients na taglay nito.

1. May “happy chemical” connection

Ayon sa artikulo ng Medical News Today, ang saging ay may tryptophan, isang amino acid na ginagamit ng katawan para makagawa ng serotonin, isang neurotransmitter na kilala bilang “feel-good hormone.”

Ang serotonin ay tumutulong sa pagpapagaan ng mood, pagbawas ng stress, at pagpaparelax ng isipan.

Bukod dito, may vitamin B6 ang saging na tumutulong sa paggawa ng serotonin at dopamine, pawang mga kemikal na may kinalaman sa kasiyahan, batay naman sa artikulo ng Healthline.

Lifehacks

ALAMIN: Tips upang maprotektahan ang sarili mula sa panganib ng ashfall ayon sa DOH

2. Nakaka-stabilize ng enerhiya at mga emosyon

Batay pa sa Healthline, ang likas na asukal at fiber sa saging ay nagbibigay ng steady energy, kaya hindi pabago-bago ang blood sugar—na konektado rin sa mood swings.

Ibig sabihin, hindi agad naiirita o napapagod at mas stable ang pakiramdam buong araw.

3. Nakapagpapababa ng sintomas ng depresyon

May ilang research na nagpapakita na ang pagkain ng saging ay may kaugnayan sa mas mababang depressive symptoms, lalo na sa moderate consumption o katamtamang pagkonsumo nito. Mababasa ito sa isang research paper na nasa website na "ScienceDirect," na may pamagat na "The association between banana consumption and the depressive symptoms in Chinese general adult population: A cross-sectional study."

Isinasaad sa pag-aaral na gumamit ang mga mananaliksik ng cross-sectional method kung saan sinuri ang 24,673 matatanda sa Tianjin sa iisang panahon lamang. Kinolekta nila ang datos tungkol sa pagkain ng saging gamit ang isang validated food frequency questionnaire, habang ang sintomas ng depresyon ay tinasa gamit ang Self-Rating Depression Scale (SDS). Pagkatapos, ginamit ang multiple logistic regression analysis upang malaman kung may ugnayan ang dami ng pagkain ng saging at ang pagkakaroon ng depressive symptoms.

Sa resulta ng pag-aaral, lumabas na 16.1% ng mga lalaki at 18.4% ng mga babae ang may sintomas ng depresyon. Sa mga lalaki, mas mababa ang posibilidad ng depressive symptoms sa mga kumakain ng saging nang 1–3 beses kada linggo, kumpara sa halos hindi kumakain, na nagpapahiwatig na maaaring may benepisyo ang katamtamang pagkain nito.

Gayunpaman, hindi na ito gaanong nakita sa mga kumakain nang mas madalas (≥4 beses kada linggo). Sa mga babae naman, walang malinaw na benepisyo; sa katunayan, bahagyang mas mataas pa ang posibilidad ng depressive symptoms sa mga madalas kumain ng saging. Ipinapakita nito na maaaring magkaiba ang epekto ng pagkain ng saging sa lalaki at babae, at mas nakikita ang posibleng benepisyo sa katamtamang konsumo sa mga lalaki.

Sa kabilang banda, ang pagkain ng saging ay hindi gamot sa depresyon kundi bahagi lamang ng overall healthy diet.

Ayon sa World Health Organization (WHO) ang saging ay masustansiyang prutas na nagbibigay ng mahahalagang bitamina at mineral na kailangan ng katawan.

Kabilang dito ang potassium na tumutulong sa maayos na paggana ng puso at kalamnan, vitamin B6 para sa metabolismo at kalusugan ng utak, at vitamin C na nagpapalakas ng immune system.

Mayroon din itong dietary fiber na nakatutulong sa digestion, pati na natural carbohydrates na nagsisilbing mabilis na mapagkukunan ng enerhiya. Dahil dito, itinuturing ang saging bilang bahagi ng isang balanseng diet para sa pangkalahatang kalusugan.

Pakatandaan, hindi ito instant “happy food” lang ang saging kundi mas epektibo ito bilang bahagi ng balanced diet at healthy lifestyle.

Kung malakas ang pangangatawan at walang iniindang sakit, tiyak na maaabot din ang sagad-sagarang saya at ligaya sa buhay.