May 22, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Totoo bang nakakaganda ng boses ang luya?

ALAMIN: Totoo bang nakakaganda ng boses ang luya?
Photo courtesy: Unsplash

Isa sa “tatak ng pagiging Pilipino ay ang pagkakaroon ng “star quality” na boses sa pagkanta. 

Ito’y dahil sa entablado man sa local at international scene o simpleng videoke man, hindi nagpapatalo sa biritan ang maraming mang-aawit na Pinoy. 

Kaya nga rin kilala ang Pilipinas sa buong mundo bilang bansa na mayroong “best singers in the world,” at tila hindi rin naman ito nalalayo sa katotohanan dahil ilan sa mga kilalang mang-aawit sa mundo ay Pinoy, katulad nina Lea Salonga, Apl de ap, Lani Misalucha, Regine Velasquez-Alcasid, at Arnel Pineda. 

Dahil dito, isa sa mga paniniwalang patuloy na nagpapatibay sa reputasyon ng Pilipinas sa pagiging tahanan ng mahuhusay na mang-aawait ay ang luya bilang pampaganda ng boses. 

Ayon sa iba’t ibang pag-aaral, ang luya ay kilala rin dahil sa umano’y kakayahan nitong makapagpagaling ng iba’t ibang sakit at makapagpaganda ng boses. 

Human-Interest

‘Okay ka lang?’ Mga paraan upang ‘mangumusta’ sa kaibigan o katrabaho

Isa na rito ang salabat, na isang tsaa na gawa sa pinakuluang tubig, na may iba-iba ring bersyon ng paggawa. 

Fresh man o tuyong luya, sliced o dinikdik, ang luya ang isa sa mga “miracle cure” na sangkap sa bansa. 

Ngunit totoo nga bang nakapagpapaganda talaga ito ng boses?

Ayon sa pag-aaral ng Toronto Adult Speech Clinic, dahil sa anti-inflammatory at antimicrobial properties ng luya, nakatutulong ito sa improvement ng boses. 

Kaya ang  luya rin ay maaari ding magamit upang maibsan ang pamamaga at iritasyon sa lalamunan upang mas maging malinaw ang paglabas ng tunog ng boses. 

Ayon pa rito, ang luya ay isa ring solusyon upang mabawasan ang pamamaga sa digestive tract ng katawan, na nakatutulong sa pagpapagaan ng epekto ng nausea o pakiramdam ng pagduduwal at acid reflux. 

Dahil dito, isa ang Ginger Tea sa “Top 5 Teas” ng kilalang vocal coach at broadway performer na si Cheryl Porter dahil bukod sa tulong nito sa iritasyon sa lalamunan, napapainit at napapa-relax din ng luya ang katawan, na nakatutulong sa mas madaling phonation o paglalabas ng tunog sa pag-awit. 

Gayunpaman, tulad ng kasabihan na lahat ng sobra ay nakasasama, binanggit din sa pag-aaral ng Toronto Adult Speech Clinic na ang labis na pag-inom o pagkain ng luya ay maaaring magdulot ng mas malalang iritasyon o “burning sensations” sa lalamunan, gayundin ang paglala ng acid reflux.