Sa nagpapatuloy na girian at tensyon ng mga bansa sa Middle East, walang-humpay din ang epekto nito sa presyo ng mga produkto sa pandaigdigang merkado—partikular na ang presyo ng produktong petrolyo.
Bunsod nito, ilang mga inisyatibo na ang pinangasiwaan ng pamahalaan upang mabigyang-solusyon ang isyung ito—diskwento sa pamasahe, libreng sakay, at tulong-pinansyal sa mga sektor na labis na apektado ng produktong petrolyo.
Ngunit kamakailan lamang, inanunsyo ng Presidential Communications Office (PCO) na sinimulan na ng Department of Energy (DOE) ang rollout ng ₱10 per liter discount sa diesel para sa mga public utility vehicles (PUVs).
Ngunit saan-saang gasoline stations nga ba maaaring i-avail ang ₱10 diskwento kada litro ng diesel?
Nito lamang Huwebes, Abril 16, inisa-isa ng DOE sa kanilang Facebook post ang listahan ng mga gasolinahang magseserbisyo ng naturang diskwento.
Photo courtesy: DOE/FB
“Sa patuloy na pakikipagtulungan ng Department of Energy (DOE) at mga partner agencies, unti-unti pang dinaragdagan ang mga kalahok na istasyon upang mas mapalawak ang abot ng programa at mas maraming tsuper ang makinabang,” saad ng DOE.
Anila, “Sa ilalim ng programa, maaaring makapag-avail ang mga kwalipikadong tsuper ng ₱10 diskwento kada litro ng diesel, na may hanggang 150 liters na limitasyon kada linggo, na maaaring magbigay ng tinatayang ₱1,500 na tipid bawat linggo depende sa aktwal na konsumo.”
Paalala pa ng energy department sa publiko, manatiling nakabantay para sa mga updates at karagdagang listahan ng gasoline stations na lalahok sa nasabing inisyatibo.