Tumanggi si Senador Imee Marcos na magbigay ng komento sa katangunang nababahala ba siya sa kaligtasan ng kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos ang umano’y “assassination threat” ni Vice President Sara Duterte.
“Ayoko na mag-comment diyan. Kasi parang dagat, dinadagdagan lang natin ang init at puro speculative naman yung mga pinagsasabi,” saad ni Sen. Imee sa panayam ng DWIZ nitong Sabado, Nobyembre 30.
Matatandaang noong Nobyembre 23 nang isiwalat ni VP Sara na mayroon na raw siyang napagbilinang indibidwal na kung pinatay raw siya, papatayin naman umano nito ang pangulo at maging sina First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
MAKI-BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!
Binuweltahan naman ni PBBM si VP Sara noong Nobyembre 25 at iginiit niyang hindi ito dapat palampasin.
MAKI-BALITA: PBBM sa 'death threats' ni VP Sara sa kaniya: 'Yan ay aking papalagan!'
Samantala, nilinaw ni VP Sara na hindi umano pagbabanta sa pangulo ang kaniyang mga pahayag, kundi tungkol daw sa pangamba sa kaniyang buhay.
MAKI-BALITA: VP Sara sa ‘assassination threat’ niya vs PBBM: ‘Maliciously taken out of logical context’
Kaugnay nito, sa naturang panayam nitong Sabado ay tinanong si Sen. Imee kung nabanggit sa kaniya ni VP Sara na may banta sa kaniyang buhay kaya siya nagbanta sa pangulo.
Sagot ng senadora: “Sa palagay ko hindi naman kailangan banggitin pa ninuman na may banta sa buhay ng isang Duterte. Tulad ng isang Marcos. Lagi naman may banta sa mga buhay namin. Kaya may security kami.”