Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong Lunes, Disyembre 2, dahil sa northeast monsoon o amihan at shear line, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang shear line, o ang linya kung saan nagtatagpo ang mainit at malamig na hangin, ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Metro Manila, MIMAROPA, CALABARZON, Bicol Region, Eastern Visayas, Western Visayas, Isabela, Quirino, Aurora, Nueva Ecija, at Bulacan.
Inaasahan ding magdadala malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.
Samantala, malaki rin ang tsansang magdudulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Ilocos Region at mga natitirang bahagi ng Central Luzon. Wala namang inaasahang magiging epekto ang mga magiging pag-ulan dito.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms, kung saan posible ang pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay wala namang namamataan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).