Ibinahagi ng komedyante at content creator na si Joel Ravanera o mas kilala bilang “Malupiton” kung paano siya nakapagsalba ng buhay dahil sa kaniyang mga hirit at biro.
Sa latest episode ng “Toni Talks” nitong Linggo, Disyembre 1, sinabi ni Malupiton na may babae raw na lumapit sa kaniya nang pumunta siya sa isang bar kamakailan.
Ayon kay Malupiton, “Noong nakaraan, noong kumanta po kami sa bar, mayro’ng babaeng umiiyak. [...] Pinalapit ko po sa akin. Umiiyak siya. Nagpapasalamat siya, yumakap siya sa akin.
“Sabi ko, bakit po?[Sabi niya] ‘Ikaw ang nakasagip sa akin. Magpapakamatay na sana ako. Niloko ako ng asawa ko. Dumaan ka sa akin, dumaan ka sa feed ko,’” dugtong pa niya.
Bilang ganti, niyakap daw ni Malupiton ang nasabing babae at pinasalamatan dahil sa pagpapahalagang ipinahayag nito sa mga ginagawa nila ng mga kaibigan niya.
Aniya, “Ang sarap po sa pakiramdam na hindi mo alam may nasasalba ka palang tao na nilalamon ng kalungkutan.”
Kaya naman hinikayat ni Malupiton ang mga may health condition na panoorin ang kaniyang mga content upang maibsan ang bigat na dinadala ng mga ito.
Matatandaang minsan na ring kinagiliwan si Malupiton ng aktres na si Sofia Andres noong Setyembre kaya pinahanap niya ito sa pamamagitan ng social media accounts.
MAKI-BALITA: Sofia Andres, may pinapa-hunting na lalaki: 'Kupal ka ba?'