Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Linggo, Disyembre 1, na tatlong weather systems ang kasalukuyang nakaaapekto sa bansa.
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang shear line, o ang linya kung saan nagtatagpo ang mainit at malamig na hangin, ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila, CALABARZON, Bicol Region, Eastern Visayas, Western Visayas, Bulacan, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Negros Occidental, at Cebu.
Inaasahan ding magdadala ang ITCZ, o ang linya kung saan nagtatagpo ang hangin mula sa northern at southern hemispheres, ng maulap na kalangitan na may mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Davao Region, SOCCSKSARGEN, Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, at Palawan.
Inaasahan namang madadala ang northeast monsoon o malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Aurora.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.
Samantala, malaki rin ang tsansang magdulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Ilocos Region at mga natitirang bahagi ng Central Luzon. Wala namang inaasahang magiging epekto ang mga magiging pag-ulan dito.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil naman sa localized thunderstorms, kung saan posible ang pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay wala namang namamataan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).