Tumanggi munang magbigay ng komento si Manila 6th District Rep. Benny Abante kung susuportahan ba niya ang posibleng ihaing impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isinagawang Machra's Balitaan sa Harbor View nitong Huwebes, Nobyembre 28, tinanong ng Balita si Abante hinggil sa naging pahayag ni dating Senador Antonio Trillanes nitong Miyerkules, Nobyembre 27, na may maghahain umano ng impeachment complaint sa House of Representatives laban sa bise presidente dahil sa “asal” na ipinapakita raw nito.
Ani Abante, kung may maghain umano ng impeachment complaint, pag-aaralan daw nilang mabuti kung base sa mga ebidensya ang dahilan ng reklamo.
“Iniisip kong maigi ‘yan. In fact, we are going to study it kung meron po talagang form and substance yung impeachment complaint. If it's based upon all the evidences. Kung ano ang evidence na makukuha natin, kung talagang may substance yan, kung talagang may form yan,” aniya.
Kaya naman, sinabi ng mambabatas na hindi pa niya masasabi ang kaniyang magiging panig sa naturang usapin ng impeachment complaint laban sa bise presidente.
“Hindi muna ako magsasalita tungkol diyan, no comment muna,” saad ni Abante.
Matatandaang noong Sabado, Nobyembre 23, nang isiwalat ni Duterte na mayroon na raw siyang napagbilinang indibidwal na kung pinatay raw siya, papatayin naman umano nito si Pangulong Ferdrinand “Bongbong” Marcos Jr., at maging sina First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
MAKI-BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!
Matapos nito, inisyuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bise presidente ng subpoena at itinuring na “self-confessed mastermind” ng pangulo.
MAKI-BALITA: VP Sara, itinuturing na ‘mastermind’ sa assassination plot vs PBBM – DOJ
Samantala, nilinaw naman ni Duterte na hindi umano pagbabanta sa pangulo ang kaniyang mga pahayag, kundi tungkol daw sa pangamba sa kaniyang buhay.
MAKI-BALITA: 'It's a concern about my death!' VP Sara, may nilinaw sa ‘banta’ niya vs PBBM