November 26, 2024

Home BALITA National

Amihan, ITCZ, magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa – PAGASA

Amihan, ITCZ, magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa – PAGASA
Courtesy: PAGASA/website

Nagpapatuloy pa rin ang epekto ng northeast monsoon o amihan at Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa malaking bahagi ng bansa ngayong Martes, Nobyembre 26, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang ITCZ, o ang linya kung saan nagtatagpo ang hangin mula sa northern at southern hemispheres, ng maulap na kalangitan na may mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa buong Mindanao.

Inaasahan namang madadala ang amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Aurora.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.

National

VP Sara, nahainan na ng subpoena ng NBI

Inaasahan ding magdudulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong mahihinang pag-ulan sa rehiyon ng Ilocos. Wala namang inaasahang malaking epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Samantala, medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang inaasahang mararanasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil naman sa localized thunderstorms. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang namamataan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).