Gaano katotoo ang tsika ni showbiz insider at showbiz-oriented game show host Ogie Diaz na inaresto raw ng mga awtoridad ang tinaguriang "wais na misis" na si Neri Naig-Miranda?
Sa latest showbiz vlog ni Ogie na mapapanood sa "Ogie Diaz Showbiz Update," Linggo ng gabi, Nobyembre 24, may nagpadala raw sa kaniya ng impormasyong si Neri nga raw ay dinakip umano ng mga pulis mula sa Pasay City, Sabado, Nobyembre 23, dahil daw sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 8799 Section 8, o may titulong "Registration of Brokers, Dealers, Salesmen and Associated Persons" ng Security of Exchange Commission o SEC.
Ang mas nakaka-shookt at nakakaloka raw, "top most wanted person" umano ang nabanggit na aktres.
Hindi pa raw malinaw ang eksaktong rason ng pagkakadakip umano kay Neri at kung sino raw ang may gawa nito laban sa kaniya.
Binisita naman ng Balita ang official Facebook page ni Neri at kapansin-pansing ang huling post niya sa kaniyang Facebook account ay noong Biyernes, Nobyembre 22. Wala ring post o pahayag ang mister niyang si Chito tungkol dito. Palagay rin daw ng source ng showbiz insider, mukhang may kinalaman sa negosyo ang nabanggit na demandahan.
Mas mainam daw na manggaling mismo kay Neri ang paglilinaw tungkol sa nabanggit na impormasyon, pahayag pa ni Ogie.
Habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Neri tungkol sa isyu. Bukas ang Balita sa kanilang panig.