November 23, 2024

Home BALITA National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA
Courtesy: PAGASA/FB

Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Sabado, Nobyembre 23, na ang northeast monsoon o amihan at easterlies ang kasalukuyang nakaaapekto sa bansa.

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang makararanas ng maulap na kalangitan na may mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Eastern Visayas, Caraga, Davao Region, Northern Mindanao, Zamboanga del Norte, at Palawan dahil sa easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.

Inaasahan namang magdudulot ang amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands.

Pinag-iingat ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.

National

Dela Rosa at Marcoleta, binisita si OVP Chief of Staff Zuleika Lopez sa ospital

Samantala, inaasahan ding magdudulot ang easterlies ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.

Posible rin ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang namamataan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).