Tinawag ni Vice President Sara Duterte ang kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na “best dramatic actor,” sa pagharap nito sa Quad Comm hearing tungkol sa war on drugs noong Nobyembre 13, 2024.
Sa panayam ng media sa Pangalawang Pangulo nitong Biyernes, Nobyembre 15, 2024, nabanggit ng Pangalawang Pangulo ang paglalarawan niya sa “performance” daw ng kaniyang ama.
“Sabi niya ‘Kumusta ‘yung performance ko?’ and I said, ’Best dramatic actor ka’,” anang Pangalawang Pangulo.
Ibinahagi rin ni VP Sara ang kaniyang “ratings” sa pagdalo ni FPRRD sa naturang Quad Comm hearing.
“Sabi niya you have to rate me from 1 to 10, sabi ko you’re a 12,” ani VP Sara.
Nang subukan namang tanungin ng media kung ano raw ang ibig sabihin ng “best dramatic actor—
“Ah, kayo na lang yung umintindi, nakikita niyo naman sa ginagawa niya eh,” saad ni VP Sara.
Matatandaang naging usap-usapan ang pagdalo ni FPRRD sa huling Quad Comm hearing matapos niyang hambaan ng animo’y suntok si dating senador Leila De Lima, at akmang paghataw ng microphone kay dating senador Antonio Trillanes.
Ilang pahayag din ng dating Pangulo ang ang pinag-usapan kagaya na lamang na handa na raw siyang isuplong ang sarili sa International Criminal Court (ICC) at ang tugon niya na kaya niya raw itumba ang dati niyang Economic Adviser na si Michael Yang kung mapatanuyan daw na sangkot ito sa ilegal na droga.
KAUGNAY NA BALITA: Ex-pres. Duterte sa ICC: 'Start the investigation tomorrow!'
KAUGNAY NA BALITA: FPRRD, handa raw patayin si Michael Yang 'pag napatunayang involved sa drug deal
KATE GARCIA