Mariing bumuwelta ang tumatayong chairperson ng UP Diliman University Student Council (USC) sa mga taong nagsasabing kasapi ng New People’s Army (NPA) ang nasawing lider-estudyante na si Alyssa Alano sa naganap na engkuwentro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa mga armadong grupo sa Negros Occidental noong Abril 19, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Sino si Alyssa Alano at bakit siya napatay sa engkuwentro ng militar at armadong grupo sa Negros Occidental?
Ayon sa naging panayam ng DZMM Teleradyo kay UP Diliman USC Chairperson Joaquin Buenaflor noong Linggo, Abril 26, sinabi niyang malaking kabastusan daw para sa adbokasiya ni Alyssa ang saabihing kasapi ang huli ng NPA.
“Hindi na bago ‘yong mga ganiyan. Malaking kabastusan po kay Alyssa, sa advocacy ni Alyssa,” pagsisimula niya.
Paliwanag niya, “Dahil palaging ganoon na nire-reduce ‘yong makatuwirang pakikipamuhay, pag-aalam ni Alyssa, ng mga iskolar ng bayan, ng mga kabataan sa social reality. Nire-reduce ‘yong mga ganoong adhikain namin at hindi na siya bago para sa amin.”
Ani Buenaflor, nakakalungkot daw para sa kanila na tila binabastos ng mga tao at nilalagyan ng kung ano-anong putik ang pangalan ni Alyssa.
“Nakakalungkot lalo na binabastos ‘yong pangalan ni Alyssa. Kung ano-ano ang inilalagay na putik. Ganoon po ‘yong nakakalungkot sa amin,” aniya.
Diin niya, nagagalit daw sila sa “deliberate” o sadyang pag-atake sa mga kagaya nilang iskolar ng bayan na nagmumula pa raw mismo sa Armed Forces of the Philippines (AFP), National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), at iba pang aparato ng mga ahensyang namamahala sa bansa.
“Mas nakakagalit dahil hindi siya naturally nag-ooccur, talagang deliberate attack siya sa aming mga kabataan, sa mga iskolar ng bayan, not only to Alyssa, dahil nakikita namin na state apparatuses po ‘yong nangunguna dito,” ‘ika ni Buenaflor.
Saad pa niya, “‘Yong AFP, ‘yong NTF-ELCAC, at ‘yong iba pang apparatus ng state. Sila ‘yong nangunguna and nagpapa-ingay ng ganoog mga naratibo.”
Pagpapatuloy ni Buenaflor, malaking kabastusan daw na “pinatay” na nga si Alyssa at plano pang burahin ang adhikain ng huli noong siya’y nabubuhay pa.
Pagtitiyak pa niya, hindi raw papayag ang mga iskolar ng bayan na bastusin pa ng marami si Alyssa.
“Pinatay na nga nila si Alyssa, balak pa nilang patayin ‘yong advocacy, ‘yong memories, ‘yong adhikain ni Alyssa. Malaking kabastusan po ‘yon at hindi po papayag ‘yong mga iskolar ng bayan doon,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Tuesday Vargas, nagluluksa sa pagkasawi ni Alyssa Alano