December 09, 2024

Home BALITA National

Ex-Pres. Duterte, naghukay ng sariling libingan sa ‘drug war’ hearing – De Lima

Ex-Pres. Duterte, naghukay ng sariling libingan sa ‘drug war’ hearing – De Lima
(Photo courtesy: House of Representatives via Leila de Lima/X screengrab)

Iginiit ni dating Senador Leila de Lima na naghukay si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng sarili nitong libingan matapos nitong imbitahan ang International Criminal Court (ICC) na mag-imbestiga na sa Pilipinas ukol sa madugong kontra droga ng kaniyang administrasyon.

Matatandaang sa isinagawang pagdinig ng House quad committee nitong Miyerkules, Nobyembre 13, sinabi ni Duterte na dapat umanong magmadali na ang ICC sa pag-imbestiga.

“Magpunta na sila rito bukas. Umpisahan na nila ang investigation. And if I found guilty, I will go to prison,” anang dating pangulo.

MAKI-BALITA: Ex-pres. Duterte sa ICC: 'Start the investigation tomorrow!'

National

Paalala ng PWS para sa flu season: 'Do not kiss babies that aren't yours!'

Ilang sandali matapos nito, ipinahayag ng Malacañang hindi nila pipigilan ang inisyatibo ni Duterte na isuplong ang kaniyang sarili sa ICC, at handa raw silang makipag-ugnayan sa International Criminal Police Organization (INTERPOL) kapag naglabas na ito ng red notice para sa dating pangulo. 

MAKI-BALITA: Malacañang, handang makipag-ugnayan sa INTERPOL 'pag naglabas ng red notice kay FPRRD

“I welcome the pronouncement of Malacañang that the Philippine Government, at long last, will cooperate with the ICC and Interpol, should they serve arrest warrants against Duterte and his cohorts,” ani De Lima sa isang X post nitong Miyerkules ng gabi.

“I hope they come soon, so justice and healing may finally start for the families of all the victims of Duterte’s crimes,” dagdag niya.

Sa naturang post ay ibinahagi rin ni De Lima ang isang video clip sa nasabing pagdinig kung saan makikitang tila inambahan siya ng suntok ni Duterte, at saka sinabing: “I am unfazed by Duterte's violent gesture against me.”

“After all, he dug his own grave today with his personal invitation to the ICC,” saad pa ng dating senador.

Matatandaang nagsampa ang administrasyong Duterte ng tatlong drug-related charges laban kay De Lima, na naging hayagang kritiko ng nasabing war on drugs sa bansa.

Matapos ang mahigit anim na taong pagkakakulong, ibinasura ng korte ang lahat ng tatlong kaso laban sa dating senador.

MAKI-BALITA: Leila de Lima, pinawalang-sala sa huling drug case

Samantala, inihayag kamakailan ni human rights lawyer Chel Diokno na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyong Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.

MAKI-BALITA: 20,332 indibidwal, napatay sa ‘drug war’ ng Duterte admin – Diokno