Patay ang isang lalaki nang mabagok ang ulo matapos umanong maitulak ng kaniyang kainuman na inaawat niya sa pagwawala sa Rodriguez, Rizal nitong Linggo.
Tinangka pa ng mga doktor na isalba ang buhay ng biktimang si alyas ‘Cris’, nasa hustong gulang, at residente ng Brgy. San Isidro, sa Rodriguez, ngunit binawian din ng buhay bunsod ng matinding pinsala sa kaniyang ulo.
Samantala, arestado naman at mahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na si alyas ‘John Ray,’ residente rin ng naturang lugar.
Batay sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station, dakong alas-2:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa tahanan ng biktima.
Nauna rito, masaya umanong nag-iinuman ang biktima at suspek ngunit nang dahil sa kalasingan ay bigla na lang magwala ang suspek.
Tinangka naman umano ng biktima na awatin ang suspek ngunit itinulak siya nito, sanhi upang mabuwal at bumagok ang ulo sa bato.
Dahil sa tindi ng impact nang pagkakabagok, nawalan ng malay ang biktima kaya’t kaagad na isinugod sa pagamutan ngunit nasawi rin habang nilalapatan ng lunas ng mga doktor.