October 31, 2024

Home BALITA National

Bagyong Leon, nag-landfall na sa Southeastern Taiwan

Bagyong Leon, nag-landfall na sa Southeastern Taiwan
Courtesy: PAGASA/FB

Nag-landfall na ang bagyong Leon sa Southeastern Taiwan, ayon sa 5 PM update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Huwebes, Oktubre 31.

Base sa tala ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng Typhoon Leon 320 kilometro ang layo sa North Northwest ng Itbayat, Batanes.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 155 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 255 kilometers per hour.

Kumikilos pa rin ang bagyo pa-northwest sa bilis na 25 kilometers per hour.

National

PBBM sa Undas: ‘Let this day of memorial rekindle us to be better Filipinos’

Nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signals sa mga sumusunod na lugar sa Luzon:

Signal No. 2

- Northern portion ng Batanes (Itbayat)

Signal No. 1

- Mga natitirang bahagi ng Batanes

- Babuyan Islands

- Northern portion ng mainland Cagayan (Santa Praxedes, Sanchez-Mira, Claveria, Pamplona, Abulug, Ballesteros, Aparri, Camalaniugan, Buguey, Gonzaga, Santa Teresita, Santa Ana)

- Northern portion ng Ilocos Norte (Bangui, Burgos, Dumalneg, Adams, Pagudpud)

Pagkatapos tumawid sa landmass ng Taiwan, kikilos ang bagyong Leon pa-northeast sa Taiwan Strait patungong East China Sea at lalabas ng Philippine Area of Responsibility mamayang gabi o bukas ng madaling araw, Nobyembre 1.

“A second landfall over mainland China is not ruled out during this period,” anang PAGASA.

Inaasahang patuloy na hihina ang bagyo sa buong forecast period ng PAGASA dahil sa land interaction at marginally favorable environmental conditions.