Inaasahang mabubuo bilang bagyo ang binabantayang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR) sa susunod na 24 hanggang 48 oras, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado, Oktubre 19.
Sa Public Weather Forecast ng PAGASA dakong 4:00 ng madaling araw, inihayag ni Weather Specialist Daniel James Villamil na huling namataan ang LPA sa labas ng PAR 1,455 kilometro ang layo sa silangan ng Southeastern Luzon.
“Posible itong maging isang ganap na bagyo within the next 24 to 48 hours,” ani Villamil.
Samantala, sa kasalukuyan ay ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ), o ang linya kung saan nagtatagpo ang hangin mula sa northern at southern hemispheres, at ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ang nakaaapekto sa malaking bahagi ng bansa.
Ayon sa PAGASA, inaasahang magdudulot ang ITCZ ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Zamboanga Peninsula, SOCCSKSARGEN, BARMM, Davao Occidental, at Palawan.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga kalapit na lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Inaasahan ding magdadala ang ITCZ ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Visayas at mga natitirang bahagi ng Mindanao.
Samantala, inaasahan namang magdudulot ang easterlies ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Cagayan Valley, Aurora, Quezon, at Bicol Region.
Bahagyang maulap hanggang sa maulap na may tsansa ng isolated rainshowers o thunderstorms din ang inaasahang mararanasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil naman sa localized thunderstorms.
Maaari ring magdala ng pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.