October 18, 2024

Home BALITA National

VP Sara, may listahan daw ng ‘5 impeachable offenses’ ni PBBM

VP Sara, may listahan daw ng ‘5 impeachable offenses’ ni PBBM
VP Sara Duterte at Pres. Bongbong Marcos (Photo: VP Sara/FB)

Inihayag ni Vice President Sara Duterte na mayroon umano siyang listahan ng limang “impeachable offenses” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magpapaalis dito sa puwesto.

Sa isang press conference nitong Biyernes, Oktubre 18, sinabi ni Duterte nang maupo raw siya sa pagka-bise presidente noong 2022 ay binasa niya ang tungkol sa impeachment dahil alam daw niyang isa siyang “impeachable officer.”

“Ano ang impeachment? What are impeachable offenses? Ano ang puwedeng gawin mo [para] ma-impeach ka. Binasa ko ‘yan lahat,” ani Duterte.

“Si BBM? Sabihin ko sa inyo, may listahan ako ng limang bagay na impeachable offense niya. Pero sa tingin ninyo, papasa diyan sa House? Of course, hindi,” saad pa niya.

National

Malacañang, ‘no comment’ sa mga tirada ni VP Sara kay PBBM

Samantala, hindi naman binanggit ng bise presidente kung ano ang naturang limang impeachable offenses na tinutukoy niya laban sa pangulo.

KAUGNAY NA BALITA: ‘1 out of 10 ang rating!’ PBBM, ‘di marunong maging presidente — VP Sara

Matatandaang naging usap-usapan kamakailan ang umano’y impeachment complaint laban kay Duterte sa Kamara. Ito ay matapos iginiit ni ACT Teachers party-list France Castro na “impeachable offense” umano ang maling paggamit ng pera ng bayan matapos maglabas ang Commission on Audit (COA) ng notice of disallowance ng ₱73 million sa ₱125-million na confidential fund ng opisina ni Duterte noong 2022.

Nanindigan naman si Duterte kamakailan na hindi siya magbibitiw sa kaniyang puwesto sa Office of the Vice President (OVP).

BASAHIN: Para sa 32 milyon na bumoto sa kaniya: VP Sara, nanindigang hindi siya magre-resign