November 24, 2024

Home BALITA National

Sonny Matula, pinakakansela kandidatura ni Apollo Quiboloy

Sonny Matula, pinakakansela kandidatura ni Apollo Quiboloy
MULA SA KALIWA: Sonny Matula at Apollo Quiboloy (Facebook; MB file photo)

Naghain si labor leader at senatorial aspirant Sonny Matula ng petisyon sa Commission on Elections (Comelec) para kanselahin ang kandidatura ni Pastor Apollo Quiboloy sa pagkasenador para sa 2025 midterm elections dahil umano sa “material misrepresentation.”

Matatandaang noong Oktubre 8 nang maghain si Quiboloy ng kaniyang kandidatura sa pagkasenador sa pamamagitan ng kaniyang abogadong si Atty. Mark Tolentino.

Nakasaad sa certificate of candidacy (COC) ni Quiboloy na tatakbo siya sa ilalim ng Workers' and Peasants' Party (WPP).

MAKI-BALITA: Apollo Quiboloy, naghain ng COC sa pagkasenador: ‘Dahil sa Diyos at Pilipinas’

National

OFW sa Middle East, panalo ng ₱37M sa Super Lotto

Kaugnay nito, iginiit ni Matula at ng WPP sa kanilang seven-page petition na wala umanong “factual at legal basis” ang nominasyon kay Quiboloy bilang kandidato ng partido. 

Binigyang-diin din ng WPP na hindi umano nila miyembro o guest candidate ang kontrobersyal na pastor.

“The Workers and Peasants Party (WPP) is not opposed to religious leaders running for public office; however, we strongly object to the misuse and hijacking of our party's name to bolster a candidacy, particularly in the case of Apollo C. Quiboloy. He is neither a member of our party, nor a guest candidate, and has not received any nomination from our authorized officers,” nakasaad sa petisyon.

“Using an unauthorized Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) in the Philippines is a serious election offense,” dagdag pa.

Samantala, bumuwelta naman ang kampo ni Quiboloy at naghain ng petisyon upang ideklara bilang “nuisance candidate” si Matula.

Kasama sina Matula at Quiboloy sa initial list ng Comelec sa pagkasenador kung saan nakasaad ditong pareho silang tatakbo sa ilalim ng WPP.

MAKI-BALITA: Apollo Quiboloy, kasama sa initial list ng Comelec sa pagkasenador

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) si Quiboloy matapos siyang maaresto ng mga awtoridad noong Setyembre 8, 2024 pagkatapos ng mahigit dalawang linggong paghahanap sa kaniya sa compound ng KOJC.

Nahaharap si Quiboloy at mga kapwa niya akusado sa kasong “Anti-Trafficking in Persons Act of 2003” sa RTC, dahil sa umano’y pang-aabusong ginawa nila sa isang 17-anyos na babae noong 2011. Kinasuhan din sila sa Quezon City RTC para sa iba pa umanong kaso ng child abuse” sa ilalim ng “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.”

MAKI-BALITA: TIMELINE: Pastor Apollo Quiboloy saga