October 11, 2024

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas
MARK JOSEPH CABALANG/BALITA

Hindi naman na siguro lingid sa kaalaman ng lahat na sa panahon ngayon tila nakalilimutan na ng ilang mga Pilipino ang tungkol sa kasaysayan ng bansang Pilipinas. 

Hindi ba nga't noong 2022 sa reality show na Pinoy Big Brother: Kumunity Season 10 Teen Edition, itinanong ng host na si Robi Domingo sa mga housemates na sina Gabb Skribikin at Kai Espenido ang katanungang: "Sina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora ay mas kilala sa tawag na…" 

Ang sagot ni Kai ay "MAJOHA," na naging usap-usapan noon sa social media. 

BASAHIN: Robi Domingo sa 'MAJOHA' ng PBB: "Sa una, nakakatawa pero habang tumatagal, di na nakakatuwa"

BALITAnaw

BALITAnaw: Paano nga ba nagsimula ang 'World Smile Day?'

Nitong Agosto 2024, napag-usapan ng naging sagot ng singer-actress na si Sheena Belarmino sa game show na "Rainbow Rumble" ng ABS-CBN. 

Ang tanong ni Luis Manzano, na siyang host ng game show, sino ang nanay nina Crispin at Basilio sa isa sa mga sikat na nobela ni Dr. Jose Rizal, ang Noli Me Tangere.

Natatawang sagot ni Sheena, "Sasa" sa halip na "Sisa."

BASAHIN: 'Parang MAJOHA?' Sagot ni Sheena kung sino nanay nina Crispin, Basilio ng Noli Me Tangere, usap-usapan

Samantala ngayong Setyembre, usap-usapan ngayon ang isang gurong contestant sa noontime show na “It’s Showtime” dahil nagkamali siya ng sagot sa katanungang kung sino ang unang babaeng pangulo ng Pilipinas.

Ang nasagot ng gurong si Tony ay si “Gloria Macapagal Arroyo,” bagay na mali dahil ang unang babaeng pangulo ng bansa ay si dating Pangulong Maria Corazon “Cory” Aquino.

BASAHIN: 'Di kilala unang babaeng PH president?' Gurong contestant sa Showtime, trending sa X

Kaugnay nito, BALITAnawin natin kung sino nga ba ang dalawang babae na naging pangulo ng ating bansa. 

MARIA CORAZON "CORY" SUMULONG CONJUANCO-AQUINO (1986 - 1992)

Si Cory Aquino ay ipinanganak noong Enero 25, 1933. Siya ay anak ng negosyante at dating kongresistang si Jose Cojuangco Sr. at Demetria Sumulong-Cojuangco. 

Siya rin ang maybahay ni dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr. 

Nanungkulan si Cory bilang ika-11 pangulo ng bansa mula Pebrero 25, 1986 hanggang Hunyo 30, 1992, na siyang naging kauna-unahang babaeng pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Kinalaban niya ang noo'y pangulo na si Ferdinand E. Marcos, Sr sa isang snap election na ginanap noong Pebrero 7, 1986 na nauwi sa EDSA People Power Revolution. Pebrero 25 nang siya ay nanumpa bilang pangulo ng bansa. 

Kinilala si Cory bilang "Icon of Democracy" dahil sa tagumpay ng EDSA People Power Revolution noon, na naging "template" umano ng democratic movements sa South Korea, Romania, Poland, Burma (Myanmar), Czechoslovakia, South Africa, Thailand at Indonesia.

Pumanaw noong Agosto 1, 2009 si Cory dahil sa cancer. Ang pagpanaw niyang ito ay naging inspirasyon ng kaniyang anak na si Benigno "Noynoy" Aquino III na sundan ang kaniyang yapak. Siya ay nahalal bilang ika-15 pangulo noong 2010. 

GLORIA MACAPAGAL-ARROYO (2001 - 2010)

Si Gloria Macapagal-Arroyo ang ikalawang babaeng pangulo ng Pilipinas.

Ipinanganak siya noong Abril 5, 1947. Ang kaniyang mga magulang ay sina dating Pangulong Diosdado Macapagal at Dr. Evangelina Macaraeg Macapagal.

Siya ang maybahay ni lawyer-businessman Jose Miguel Tuazon Arroyo.

Sa tala ng Office of Vice President, si Gloria ay nagsilbi bilang Assistant Secretary ng Trade and Industry noong 1987 at kalauna'y naging Undersecretary noong 1989 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Cory Aquino. 

Nagdesisyon siyang sundan ang yapak ng amang si Diosdado kung kaya't tumakbo siyang senador noong 1992 at pinalad naman siyang manalo. Katunayan, na-reelect siya noong 1995.

Noong Mayo 11, 1998, tumakbo si Gloria bilang bise presidente at nakuha niya ang pinakamaraming boto na dahilan ng kaniyang pagkapanalo. 

Siya naman ang kauna-unahang babae na naging bise presidente sa Pilipinas. 

Kaugnay nito, nanumpa siya bilang pangulo ng bansa noong Enero 2001 dahil sa impeachment trial ng noo'y pangulong si Joseph Estrada. 

Na-reelect si Gloria bilang pangulo noong 2004 na nagtapos ang kaniyang termino noong 2010. 

Sa kasalukuyan, siya ay kongresista sa Pampanga, partikular sa ikalawang distrito.