May 27, 2026

Home BALITA National

‘Akala ko ba magaling sa rules?’ Sen. Marcoleta, binulaga ni Sen. Sotto tungkol sa ‘quorum’

‘Akala ko ba magaling sa rules?’ Sen. Marcoleta, binulaga ni Sen. Sotto tungkol sa ‘quorum’
Photo courtesy: Screenshots from Senate of the Philippines (YT)

Usap-usapan ang naging balitaktakan nina Sen. Tito Sotto III at Sen. Rodante Marcoleta habang pinagdedesisyunan ng mga natirang majority senators kung ipagpapatuloy ang usapin tungkol sa "change of rule" habang nasa plenaryo, noong Martes, Mayo 27.

Naging mainit ang talakayan sa Senado matapos mag-walk out sa plenary session ang karamihan sa minority bloc kaugnay ng panukalang amyendahan ang Senate rules upang payagan ang mga senador na dumalo at lumahok sa sesyon sa pamamagitan ng teleconference o videoconference.

Ang tanging natira lamang sa sesyon ay ang napatalsik na dating senate president at kasalukuyang minority leader na si Sotto, na kalaunan, ay nagmosyong i-adjourn na lamang ang sesyon o magkaroon ng quorum call.

Maki-Balita: 'Bakit kailangang madaliin?' Senate minority bloc, nagpaliwanag bakit nag-walk out!

Kasunod ng walkout, naging sentro ng usapan ng mga natitirang senador kung maaari pa bang ituloy ang sesyon at ang deliberasyon hinggil sa kontrobersiyal na rule change.

National

EJK Truth Commission, inilunsad; human rights group, ilalantad drug war killings!

Sa gitna ng diskusyon, nagmosyon si Senate President Alan Peter Cayetano na “i-divide ang house” upang mapag-usapan ang tungkol dito, habang iginiit naman ni Sotto ang i-adjourn ang sesyon o magkaroon ng quorum call.

“I move to adjourn or a quorum call… That is a higher precedence,” saad ni Sotto.

'I only see the minority leader representing the minority. The others had left," saad ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda na siyang presiding officer nang mga sandaling iyon.

Ngunit kinuwestyon ito ni Marcoleta kaugnay kung nawawala ba ang quorum kahit nag-walk out ang minority senators.

“Kapag ba nag-walk out ang minority nawawala ’yong quorum? Nagsimula tayo may quorum. It doesn't matter if they walked out. I think we still have the quorum,” ani Marcoleta.

'Yes" naman ang sagot ni Legarda tungkol sa pagkakaroon nila ng quorum bago umalis ang minority senators.

Dito na sumagot si Sotto at diretsahang bumanat ng, “The motion to adjourn is not debatable. Akala ko ba magaling sa rules?”

Ipinaliwanag pa ni Sotto na sa oras na magkaroon ng quorum call, kinakailangan munang tiyakin kung sapat pa ang bilang ng mga senador bago magpatuloy ang sesyon.

“Not upon a situation when they readily and willingly walked out. Hindi ’yon covered ng rule natin,” saad naman ni Marcoleta.

Sa huli, inihayag ni Legarda ang pagpapaliban ng sesyon matapos banggitin ang posisyon nina Sotto at ng minority leader.

“As reiterated by the Senate President and as conveyed by the minority leader, former Senate President, the rule states that the motion to adjourn takes precedence. I am not taking sides and we will adjourn session until 5 p.m., Monday, June 1,” anunsyo ni Legarda.

Dahil dito, hindi na nagkaroon ng usapan patungkol sa nabanggit na usapin.

Sa Senate ruling, masasabing nasa quorum ang sesyon kapag umabot sa 13 senador o mahigit pa ang physically present dito, anumang bloc ang kaniyang kinabibilangan.

Dahil 11 minority senators ang umalis, 12 na lamang ang natira mula sa majority bloc dahil absent ang isa nilang miyembro na si Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa.

Ibig sabihin, wala pa rin sa quorum kaya hindi sila puwedeng magdesisyon tungkol sa usapin.