October 11, 2024

Home BALITA National

PBBM, itinangging nagbitiw na si DND chief Teodoro: 'Imbento 'yan ng mga desperado!'

PBBM, itinangging nagbitiw na si DND chief Teodoro: 'Imbento 'yan ng mga desperado!'
(Photo courtesy of PPA/KJ Rosales/MB)

“Itong mga desperado, nag-iimbento na lang ng istorya para gumawa ng gulo.”

Hindi lang isa o dalawa, ngunit anim na beses na idiniin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang salitang “fake” sa “fake news” nang pabulaanan niya ang kumakalat sa social media na nagbitiw na sa puwesto si Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro.

Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Huwebes, Setyembre 12, iginiit ni Marcos na nag-iimbento lamang umano ng kuwento ang mga “desperado” na nais lang gumawa ng gulo.

"Talaga naman… Unang-una, sagutin ko yung tanong mo: Fake, fake, fake, fake, fake, fake news 'yan," pagbibigay-diin ni Marcos.

National

Northern Samar, niyanig ng magnitude 4.3 na lindol

"Ang lumalabas lang diyan itong mga desperado, nag-iimbento na lang ng istorya para gumawa lang ng gulo. Wala naman silang naibibigay, wala silang naitutulong, wala silang kontribusyon sa buhay ng bawat Pilipino kundi paninira lamang, kundi panggugulo lamang. Kaya’t huwag tayong masyadong maniniwala kung wala namang pruweba,” dagdag niya.

Samantala, sinabi rin ng pangulo na nagkausap na sila ni Teodoro, at tinawanan na lang daw nila ang naturang maling impormasyon.

"Natatawa na lang kami. Tinawagan ko siya kaninang umagang-umaga: 'Magre-resign ka raw?' Sabi niya, 'Bakit? Paalisin mo na ako?’ Sabi ko, 'Bakit kita paalisin, wala naman tayong problema. ‘Yun ang lumabas na balita.’ Sabi niya, ‘Huwag nating papansinin’’,” ani Marcos.

"Sabi ko, ‘Kailangan nating sagutin at ipaliwanag sa taumbayan na itong ganitong mga klaseng tsismis, mga marites, kinakalat lang nila ito parang manggulo,” saad pa niya.

Sa naturang panayam ay iginigiit din naman ng pangulo na sila raw mismo ang mag-aanunsyo kung magkakaroon ng pagbabago sa kaniyang gabinete.