Iginiit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi sumuko si Pastor Apollo Quiboloy, bagkus ay napilitan lang daw itong lumitaw.
Matatandaang nitong Linggo ng gabi, Setyembre 8, nang ianunsyo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na nahuli na nila si Quiboloy sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
MAKI-BALITA: 'Nahuli na si Pastor Quiboloy!'—Abalos
Samantala, iginiit ng legal counsel ni Quiboloy na si Atty. Ferdinand Topacio na kusang sumuko ang kaniyang kliyente.
MAKI-BALITA: DILG Sec. Abalos, sinabihang 'epal to the highest level' ni Atty. Topacio
Kaugnay nito, sa panayam ng mga mamamahayag nitong Lunes, Setyembre 9, iginiit ni Marcos na sa pagkakaintindi niya raw ay matatawag na nag-surrender ang isang wanted na indibidwal kapag kusa siyang nagpunta sa mga awtoridad at hindi napilitan lamang na lumabas.
“Ganitong iniisip ko, hindi siya lilitaw kung hindi namin hinabol nang husto,” giit ni Marcos.
“Ang pagkaintindi ko, ang surrender, maybe the legalist can explain this, ngunit ang pagkaintindi ko ang surrender, kapag wanted ka, ang surrender ay pupunta ka sa police station o sa prosecutor, I don’t kung saan, to an official authority, sasabihin ‘nagsu-surrender na ako. Alam ko may court order, may arrest order na ako, kaya’t magsu-surrender na ako.’ Hindi ganiyan ‘yug nangyari. Ang nangyari, napilitan siyang lumabas dahil malapit na ang mga pulis sa kaniya,” paliwanag pa niya.
Samantala, binanggit din ng pangulo na sinabi umano ni Quiboloy na lumantad na siya sa mga awtoridad dahil ayaw raw nitong mapahamak ang mga miyembro ng KOJC.
“To his credit, ang sabi niya, ‘yung mga follower niya, magpapakamatay para sa kaniya, at ayaw niyang mangyari ‘yun. So to his credit, he was still displaying a modicum of leadership to his followers,” saad ni Marcos.
Habang isinusulat ito’y nasa kustodiya na ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame sa Quezon City si Quiboloy.
Nahaharap si Quiboloy sa mga kasong “ANTI-TRAFFICKING IN PERSONS ACT OF 2003 (RA9208 AS AMENDED BY RA 10364), REPUBLIC ACT 7610 (SPECIAL PROTECTION OF CHILDREN AGAINST ABUSE, EXPLOITATION, AND DISCRIMINATION ACT), AND CONTEMPT OF COURT.”