January 22, 2025

Home BALITA National

BACKTRACK: Saang mga bansa na raw naglagalag si Alice Guo matapos tumakas?

BACKTRACK: Saang mga bansa na raw naglagalag si Alice Guo matapos tumakas?
Photo courtesy: via MB/Freepik

Matapos ang iba't ibang "drama" na nangyayari sa mundo ng sports, politika, at showbiz na pinagtuunan ng pansin ng mga netizen kamakailan, isang ulat ang pinakawalan ni Senador Risa Hontiveros na nakarating sa kaniyang kaalamang nakaalis na umano ng Pilipinas si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Si Guo, ay ilang buwan na ring nahaharap sa iba't ibang kaso na may kinalaman umano sa iba't ibang anomalya, lalo na patungkol sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), gayundin sa pagkuwestyon sa tunay na identidad at lahi nito. Dahil nga rito ay natanggal sa pagka-alkalde ng Bamban si Guo, noong Agosto 13, nang mag-isyu ang Ombudsman ng dismissal kay Guo sa serbisyo matapos itong hatulang “guilty” ng grave misconduct.

Sa isang pahayag noong Lunes, Agosto 19, isiniwalat ni Hontiveros na nakaalis na ng bansa si Guo noon pang Hulyo 18, 2024, at nagtungo sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Ipinakita rin ng senadora ang kopya ng dokumentong nagpapakita ng mga detalye ng pag-alis ni Guo sa bansa.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Dagdag ng senadora, inihayag daw ng isa pa niyang source na tumuloy si Guo sa Singapore kung saan sila nagkita-kita ng kaniya raw mga magulang na sina Lin Wen Yi at Guo JianZhong.

Kinuwestyon ng senadora kung sino-sino ang mga nasa likod ng pagtakas na ito ni Guo.

“Who allowed this travesty to happen? Sino ang may kagagawan nito? Hindi makakaalis si Alice Guo kung walang tumulong sa kanya na mga opisyales ng pamahalaan. Para tayong ginigisa sa sarili nating mantika,” giit ni Hontiveros.

“I have always believed that legislative hearings are policy-driven kaya noong nag-announce na ng ban ang Pangulo, sabi ko, we have done our jobs, let law enforcement take the lead. Pero paano kung ang law enforcement mismo ang kailangang imbestigahan? What if they dropped the ball? Paano kung sila ang dapat managot? Nangako ang BI sa akin at sa Senate President Pro Tempore [Jinggoy Estrada] na hindi nila hahayaan si Guo Hua Ping na makaalis sa Pilipinas, eh 'yon pala ay wala na talaga siya.”

“Kung hindi po natin ito gawan ng paraan, as an institution, as a country, parang nagpasampal tayo sa dayuhang ito na paulit ulit na sinasaula ang ating mga batas, patakaran at proseso,” saad pa niya.

MAKI-BALITA: 'Sinong may kagagawan nito?' Alice Guo, nakaalis na ng 'Pinas -- Hontiveros

Ngunit sinansala ito ng abogado ni Guo na si Atty. Stephen David. at sinabing batay sa kaniyang kaalaman ay nasa Pilipinas pa ang kaniyang kliyente at hindi totoong umalis ito ng bansa.

MAKI-BALITA: 'NASAAN BA TALAGA?' Alice Guo, nasa Pilipinas pa rin

Ngunit sa panibagong update ng Bureau of Immigration (BI) nitong Martes, Agosto 20, kinumpirma naman nilang namataan naman daw si Alice sa bansang Indonesia kasama ang mga kapatid na sina Sheila at Wesley Guo.

Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, mula sa Pilipinas ay nagtungong Malaysia si Alice noong Hulyo 16, at mula naman sa Singapore ay nagsadya sa Indonesia noong Agosto 18.

"Sa atin pong pagbantay sa mga counterpart intelligence information, nalaman natin nasa Indonesia ngayon. Tumawid siya from Singapore the other day, August 18," pahayag ni Sandoval sa panayam ng DZBB radio station nitong Agosto 20.

"Nagba-backtrack tayo sa dinaanan ni Mayor Guo kung paano siya nakalabas ng bansa. From there, malalaman natin kung sino ang mga individuals responsible in that area," dagdag pa.

Nangako naman si Department of Justice (DOJ) Sec. Jesus Crispin Remulla na papanagutin kung sinoman ang mga indibidwal na responsable sa pagtakas ni Guo.

MAKI-BALITA: Remulla, tatalupan nagpatakas kay Guo: 'Heads will roll, all hell will break loose!'

Pareho sila ng sinabi ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na "Heads will roll" sa sinomang nasa likod ng paglayas ni Guo mula sa Pilipinas.

MAKI-BALITA: Lagot! PBBM sa pagtakas ni Alice Guo, 'Heads will roll!'

Kaya ang malaking tanong ng lahat: SINO NGA BA ANG NAGPATAKAS KAY ALICE GUO?

Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang update ang BI kung nasa Indonesia pa ba si Guo o nakaalis na ulit patungong ibang bansa.