January 22, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Mga inireklamo ni Sandro: 'Bakla kami pero hindi kami abuser!'

Mga inireklamo ni Sandro: 'Bakla kami pero hindi kami abuser!'
Photo courtesy: Screenshot from Sen. Robin Padilla (FB)/Sandro Muhlach (IG)

Humarap na sa senate hearing ang dalawang GMA independent contractors na sina Jojo Nones at Richard Cruz kaugnay pa rin sa isyu ng sexual harassment na inireklamo laban sa kanila ni Sparkle artist Sandro Muhlach.

Isinagawa ito ng Senate Committee on Public Information and Mass Media na pinangungunahan ni Sen. Robin Padilla, kasama pa sina Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, Sen. Bong Revilla, at Sen. Joel Villanueva.

Iginiit ni Richard na hindi sila executive ng GMA at wala silang kapangyarihan sa mga artista nito. Itinanggi rin niya ang umano'y akusasyon laban sa kanila ni Sandro.

"Mariing tinatanggi po namin ang lahat ng mapanirang akusasyon, kami po ay hindi executives ng GMA Network tulad ng mga lumalabas. Wala po kaming kapangyarihan or impluwensya sa network lalong lalo na sa mga artista nito..." aniya. 

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Ayon naman kay Jojo, nalulungkot at nasasaktan daw sila sa mga nababasa at naglalabasang balita at posts laban sa kanila, na tinatawag silang "bakla" at "abuser."

Sey niya, oo't bakla raw sila subalit hindi sila abuser.

"Napakasakit sa amin at sa aming pamilya na nababasa ang aming mga pangalan online na may caption na 'Bakla' at kung ano-anong masasakit at mapanirang-puri na bansag at descriptions. Bakla po kami, oo, pero hindi kami mga abuser. Bakla kami, oo, pero hindi kami gumagawa ng masama sa kapwa. Bakla kami, oo, at may takot po kami sa Diyos," anang Nones.

Humihiling din umano ng hustisya sina Nones at Cruz laban sa malisyosong mga bintang laban sa kanila. Kaya umano nilang patunayan sa piskalya o korte na wala silang kasalanan.

Hiling din nila sa sambayanan na huwag muna silang husgahan at hindi pa sila convicted na kriminal.

Kay Sandro naman daw, wala raw silang ginawang masama laban sa kaniya, at alam daw ng aktor ang totoo. Hindi pa raw huli ang lahat at magsabi ng totoo.

Matatandaang nauna nang sumalang sa senate hearing ang ama ni Sandro na si Niño Muhlach kasama ang legal counsel, gayundin si GMA Network Senior Vice President for Programming, Talent Management, Worldwide, and Support Group Atty. Annette Gozon-Valdes. Hindi naman nakadalo rito si Sandro batay na rin sa payo ng National Bureau of Investigation (NBI).

Hindi rin nakadalo sa nabanggit na unang senate hearing sina Nones at Cruz.