September 19, 2024

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Angeli Khang kinasuhan pala ang tatay, anyare?

Angeli Khang kinasuhan pala ang tatay, anyare?
Photo courtesy: Screenshot from Fast Talk with Boy Abunda (YouTube)

Ibinunyag ng Vivamax star na si Angeli Khang na sinampahan nila ng kaso ng kaniyang ina ang South Korean father dahil sa pananakit nito sa kaniya at isa pang kapatid noong sila ay menor de edad pa lamang.

Kuwento ni Angeli sa "Fast Talk with Boy Abunda," isang mahigpit na disciplinarian ang kanilang ama na isang sundalo sa Amerika.

Dumarating daw sa punto na kahit anong makita ng tatay niyang pamalo ay ipinanghahampas nito, kagaya na lamang daw ng dos-por-dos o makapal na kahoy.

Inihampas daw nito ang dos-por-dos sa likod ng kuya niya, at ang nangyari daw, naging kulay-purple ang latay nito.

Tsika at Intriga

Chloe San Jose, mas pinipiling maging 'authentic' na tao kaysa people-pleaser

Tumakas daw ang kaniyang kuya sa poder ng ama at nagtungo sa Pilipinas. Siya tuloy ang napagbalingan.

"Bigla niya 'kong nginudngod sa hugasan ng mga plato. Nginudngod niya 'ko do'n, at one week niya 'kong hindi pinakain," aniya.

Kaya naman, nasanay na lang daw si Angeli na pumitas ng mga prutas sa kanilang garden upang mapawi ang gutom. Dumating pa nga raw sa puntong natakam na lang din siya sa mga dog food na mas masasarap pa sa kinakain niya.

"I actually thought that was a normal parenthood. Opo, na kapag nagkamali ka, normal lang na saktan ka ng tatay mo, ng parents mo. But, hindi ko na-realize na sobra-sobra na pala. Na hanggang sa na-realize ko na lang na pumapasok ako sa school na may pasa, dumudugo 'yong kamay ko. Ang lagi lang sa'kin sinasabi ni Daddy to comfort me, 'I want the best for you.'”

Nang malaman daw sa paaralan sa Saipan ang mga ginagawa sa kaniya ng tatay, naalarma raw ang daddy niya ay pinauwi siya sa Pilipinas.

Nang malaman daw ng nanay niya ang ginagawa ng tatay niya ay walang pag-aatubiling nagsampa ito ng kaso laban dito.

May warrant of arrest na raw ang tatay ni Angeli, at puwede siyang hulihin ng pulisya kung sakaling pupunta ito sa Pilipinas.

“May warrant of arrest na. 'Yong case na finile namin, it took a lot of years. Ang daming dilemma na nangyari, but good thing nag-push through siya..."

Handa naman daw patawarin ni Angeli ang kaniyang ama kung sakaling hihingi ito ng tawad sa kaniya. Matanda na rin daw kasi ito na nasa 70 plus na rin.