Kinumpirma ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na nakatakda nilang imbestigahan sina Sen. Robin Padilla at Sen. Jinggoy hinggil sa nangyaring gulo sa Senado bunsod ng umano'y pagpapatakas kay Sen. Ronald "Bato" dela Rosa.
Sa panayam ng media kay Ombudsman Remulla nitong Biyernes, Mayo 15, 2026, iginiit niyang maging ang National Bureau of Investigation (NBI) at Office of Sergeant-at-arms (OSAA) ay saklaw sa kanilang imbestigasyon.
"Ang imbestigasyon na ito, kasama lahat. Kasama ang NBI dito na ating iimbestigahan. Kasama rito ang OSSA. Kasama rin iyong mga pulis na nagpunta roon sa lugar na iyon para malaman natin ang buong pangyayari mula sa perspektibo ng gobyerno," ani Ombudsman Remulla sa media.
Ayon kay Remulla, nakatakdang imbestigasyon si Padilla hinggil sa lumulutaw na espekulasyong siya ang nagpatakas kay Dela Rosa mula sa Senado.
Habang iimbestigahan naman si Estrada kaugnay ng kontrobersyal na pahayag niyang "itago ang CCTV" sa kasagsagan ng tensyon sa Senado noong Miyerkules, Mayo 13.
Matatandaang noong Miyerkules nang magkaroon ng palitan ng putok ng baril ang paniug ng OSAA at NBI sa kasagsagan ng umano’y operasyon upang maaaresto si Dela Rosa.
Matapos ang insidente, noong Huwebes, Mayo 14 nang nakumpirmang nakaalis na raw ng Senado si Dela Rosa at pinaniniwalaang tinulungan siya ng kapwa Duterte bloc na si Sen. Padilla.
Pumutok naman sa social media ang video kung saan maririnig si Estrada na itago umano ang CCTV matapos ang nasabing insidente—bagay na nilinaw na ng senador.
Paliwanag ng mambabatas, ipinag-utos ni Sen. Alan Peter Cayetano ang pag-secure ng CCTV footages na makapagsasabi ng mga tunay na nangyari noong nagaganap ang tensyon sa Senado.
Giit pa niya, wala umanong bahid ng ibang kahulugan ang nasabing pahayag—malinaw at direkta raw ang mga ito.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Jinggoy, ipinaliwanag utos niyang itago ang CCTV noong Senate shooting
Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang inilalabas na pahayag sina Estrada at Padilla sa pagbanggit sa kanila ng Ombudsman sa imbestigasyong gagawin nila.