September 20, 2024

Home SHOWBIZ

Mon Confiado, pinatulan content creator na pinalalabas siyang magnanakaw

Mon Confiado, pinatulan content creator na pinalalabas siyang magnanakaw
Photo Courtesy: Mon Confiado (FB), Freepik

Tila hindi nakapagtimpi ang versatile actor na si Mon Confiado sa isang content creator na siniraan ang pangalan niya at reputasyon.

Sa kaniyang Facebook post nitong Biyernes, Agosto 9, ibinahagi ni Mon ang mga screenshot mula sa post ng content creator na nagngangalang “Ileiad” na ginamit ang larawan niya at gumawa ng pekeng kuwento.

“Ayoko na sana patulan itong certain Ileiad na ito… pero tama pa ba ang ginagawa ng mga content creator na ito? Gumawa ng story using my name & my photo,” saad ni Mon sa caption ng post.

“Na meet daw nya ako sa grocery at magpapa picture daw sya pero dinuro duro ko daw sya sa mukha at nakita nya na hindi ko binayaran ang 15 Milky Way Choco Bars na kinuha ko… at pinagsisigawan ko daw ang cashier ng grocery. Pinapalabas pa nito na magnanakaw ako,” aniya.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Dagdag pa ng aktor: “Nung sinita ko. Joke daw ito at ito ay “Copypasta” at biglang nilagyan ng “disclaimer” ang post nya pero huli na. Pero hindi pa din inaalis ang post nya. Joke at my expense? Joke pero nakakasira ng tao? Bakit ka magjo joke sakin? Close ba tayo?”

Bukod dito, tila may pagkamayabang pa umano ang nasabing content creator nang komprontahin siya ni Mon sa chat. 

“Nung sinabi ko idedemanda ko sya dahil ayaw pa nya tanggalin ang post nya. Threat daw ba ito? Grabe itong taong ito!” lahad pa niya.

Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, umabot na sa mahigit 9.9k reactions at 1.1k shares ang naturang post.

Nagbahagi naman ang mga netizen ng kani-kanilang reaksiyon sa sentimyento ni Mon. Marami sa kanila ang humihimok na sampahan ng kaso ang content creator.