September 13, 2024

Home BALITA National

2 beses nakaranas ng baha: VP Sara, nanawagang pondohan infrastructure projects

2 beses nakaranas ng baha: VP Sara, nanawagang pondohan infrastructure projects
Courtesy: VP Sara Duterte/FB

“Naranasan ko ring maglakad sa tubig baha na hanggang dibdib at tuluyang lumangoy na lamang — hindi siya masaya.”

Nanawagan si Vice President Sara Duterte sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pondohan ang infrastructure projects matapos niyang ibahagi ang kaniyang sariling karanasan sa baha.

Sa isang pahayag, sinabi ni Duterte na dalawang beses daw silang binaha at naranasan ding lumusong mismo sa tubig baha na hanggang dibdib ang taas.

“Dalawang beses akong nakaranas ng baha sa bahay mismo ng mga magulang ko sa Taal St., Davao City. Nasira ang mga kagamitan namin at puro burak ang kapaligiran — hindi siya nakakatuwa. Naranasan ko ring maglakad sa tubig baha na hanggang dibdib at tuluyang lumangoy na lamang — hindi siya masaya,” ani Duterte.

National

Bagyong 'Bebinca' nakapasok na ng PAR, tinawag nang 'Ferdie'

“Naranasan ko maging mayor at may namatay na 30 katao nang dahil sa isang flash flood — hanggang ngayon masakit pa rin sa damdamin ko ito.”

“So l am using my position, resources and platform to be the voice to show our government officials HOW TO COMMAND,” dagdag niya.

Kaugnay nito, binanggit din ng bise presidente na noong alkalde pa lamang daw siya ng Davao City ay sinabihan na niya ang National Economic and Development Authority (NEDA)-Davao na kailangan ng pag-aaral para sa pagkontrol ng baha at mga kanal.

“I am using my position, resources and platform just as I did in the past — noong ako ay mayor pa lamang, sinabihan ko ang NEDA XI na kailangan ng pag-aaral para sa flood control at drainage. Ito ay para may sinusundan ang City Engineer's Office (CEO) at DPWH na plano at hindi na sila mag-imbento ng proyekto,” giit ni Duterte.

Nanawagan din ang bise presidente sa administrasyong Marcos na pondohan ang mga proyekto sa imprastraktura na naaayon umano sa Master Plan and Feasibility Study for Flood Control na nagawa raw sa ilalim ng administrasyon ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Kaya nga mayroong nagawa ang PRRD administration sa flood planning. Nasimulan noong Setyembre 2016 at na-publish noong Hulyo 2023 ang Master Plan and Feasibility Study for Flood Control.”

“Baka naman gusto nang pondohan ang mga infrastructure projects na naaayon sa masterplan? O baka naman may alinlangan pa hinggil dito dahil Duterte ang mayor at mas mamarapatin nilang gibain na lang?” saad pa niya.

Samantala, binigyang-diin din ng bise presidente na dapat umanong nakaangkla sa pagseserbisyo sa mga Pilipino ang “leadership” at hindi sa pera o sa “cocaine or champagne.”

“Leadership is faithfulness to the oath of office. Leadership is faithful service to the people.

Leaders should only say one thing — that ‘it is done’. Leaders should not be motivated by cash, cocaine or champagne. And, most certainly, leaders should not be made to hold champagne glasses,” giit ni Duterte.

“Again — We, Filipinos, deserve better. We, Filipinos, should be the best.

“Shoutout sa JICA at Japanese Government na tumulong sa Davao City. You are the best,” saad pa niya.

Samantala, ayon sa 2025 budget priorities framework na inilabas ng Department of Budget and Management (DBM), isa umano sa mga prayoridad ng Marcos admin ay ang pagtatayo ng mga imprastraktura at pagkumpleto sa nagpapatuloy na “infrastructure programs/activities/projects (PAPs).”

Kamakailan lamang naman ay ipinahayag ni Marcos na marami na umanong imprastraktura ang itinayo ng pamahalaan para sa pagkontrol ng baha, ngunit hindi raw ito gumana nang salantahin ng bagyong Carina ang malaking bahagi ng bansa dahil sa mga basurang humaharang sa mga ito.

MAKI-BALITA: Panawagan ni PBBM matapos ang baha: Itapon basura sa tamang tapunan