September 13, 2024

Home FEATURES

Sino nga ba si PCSO GM Mel Robles at bakit kinaya niyang idemanda ang US citizen na si Maharlika?

Sino nga ba si PCSO GM Mel Robles at bakit kinaya niyang idemanda ang US citizen na si Maharlika?
Photo Courtesy: Mel Robles from Mark Belmores (MB), Maharlika Boldyakera/FB, X/Brown Rudnick

Tila hindi na nakapagtimpi pa si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Melquiades "Mel" Robles sa vlogger na si Claire Contreras—o mas kilala bilang "Maharlika”—dahil sa mga umano’y paninirang-puri nito sa kaniya at sa ahensyang pinaglilingkuran niya.

Kaya naman noong Linggo, Agosto 4, nagsampa na si Robles ng kasong defamation at invasion of privacy complaints sa Central District Court of California sa Amerika laban kay Maharlika.

Sa Central District Court ng California inihain ang naturang kaso sapagkat ayon sa 23-pahinang complain na inihain ni Robles, magkaiba ang citizenship ng magkabilang panig at ang halaga ng kontrobersiya ay umabot sa $75,000.

Binigyang-diin din dito na ang korte umano ng California ang may hurisdiksyon sa kaso dahil doon naninirahan si Maharlika.

Kahayupan (Pets)

Hit-and-run survivor na pusa, 3 taon nang naghahanap ng 'FURever' home

Ayon sa ulat, ang hakbang na ito ni Robles ay depensa umano niya sa pagdungis ni Maharlika sa pangalan niya at ng kaniyang pamilya. 

MAKI-BALITA: PCSO GM Mel Robles, kinasuhan si Maharlika 

Bukod kasi sa akusasyong pagnanakaw sa public funds, contract killing, at pagtulong sa mga terorista, ibinahagi rin ni Maharlika sa publiko ang mga larawan ng menor de edad na anak ni Robles.

Samantala, nang tanungin naman kung ano sa tingin niya kung bakit siya pinupuntirya ni Maharlika, political agenda umano ang nakikitang dahilan ni Robles.

Ayon sa kaniya: “I don’t really know her. She doesn’t know me. But we have to look at her background. Recently nga nagpalabas sila ng video, e, ‘di ba? ‘Yong about supposedly about the president. Do you know that immediately after lumabas 'yon lahat ng kasamahan nila took it down? Except for Maharlika.”

“She didn't take it down. So, ibig sabihin, even 'yong mga kakampi niya who are all aligned at a common political agenda of bringing down the administration. That’s what they do.It is obvious na may political agenda,” dugtong pa niya.

MAKI-BALITA: DND, pinabulaanan ang malisyosong video tungkol kay PBBM

Pero sino nga ba si Robles bago siya dumating sa puntong ito ng kaniyang buhay?

Batay sa kaniyang data sheet mula sa PCSO, nagtapos ng Bachelor of Arts in Music si Robles sa Sta. Isabel College of Manila noong 1989.

Bago pa man makapasok sa gobyerno si Robles, nagkaroon muna siya ng posisyon sa mga private sector. Dalawang taon pagkatapos niyang grumaduate, nagsilbi siya bilang public relations and marketing officer sa Academy of Elegance Performance and Social Arts. Advertising manager naman sa Capitol Publishing Corporation noong 1993. Makalipas ang isang taon, naging vice president siya ng Lumen Gentium Media Marketing Inc.

Pagdating naman ng 2000, nagsilbi na siyang pangulo ng BRM Media Services, Co. Inc habang chairman sa Firefront Insurance Agency. At noong 2001, chief executive officer sa Verbo Media Services Co. Inc. 

Bukod pa rito, dati ring tagapagsalita si Robles ni Mike Velarde, pinuno ng El Shaddai. Ayon naman sa artikulo ng Manila Bulletin noong 2022, negosyante at nagmamay-ari umano si Robles ng isang rehabilitation facility.

Naging kasapi rin umano si Robles ng lupon ng Intercontinental Broadcast Corporation, isang media organization sa ilalim ng noo’y Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Kalaunan ay naging pinuno siya ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Tulad ng ilang mga kuwento ng mga iniluklok at itinalagang pinuno sa pamahalaan, nasangkot din sa anomalya si Robles dahil sa isyu ng umano’y janitorial contract noong 2009. 

Ipinaaresto siya noong 2017 ng anti-graft court ng Sandiganbayan. Pero ilang araw makalipas patawan ng arrest order, nakapagpiyansa siya sa halagang ₱30,000. 

Tuluyang siyang napawalang-sala noong Nobyembre 2019 kasama ang iba pang akusado at iniutos din ng Sandiganbayan na alisin ang hold departure order na ipinataw laban sa kanila.

Bukod dito, naging kinatawan din si Robles ng Buhay Hayaan Yumabong Partylist (BUHAY) kasama si dating Manila City Mayor Lito Atienza. 

Hanggang sa noong Hulyo 2022, inanunsiyo ni dating Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ang nominasyon ni Robles bilang PCSO General Manager.

Nang sumunod na buwan noong taon ding iyon, nanumpa siya sa nasabing katungkulan. At gaya ng dati, muli siyang binalot ng kontrobersiya at ang ahensyang pinaglilingkuran niya.

Tila naging kaduda-duda kasi ang dami ng mga nananalo sa lotto simula nang mailuklok si Robles sa nasabing posisyon. Naiulat noong Oktubre 2022 na tinamaan ng 433 mananaya ang halos ₱240M sa isinagawang bola ng Grand Lotto 6/55.

Ayon sa ulat, paghahatian umano ng 433 na nanalo ang nasabing premyo. Ibig sabihin, makatatanggap ng  ₱545,245.24 ang bawat isang nagwagi. 

MAKI-BALITA: Halos ₱240M jackpot sa lotto, tinamaan ng 433 mananaya -- PCSO

Dahil sa hindi pangkaraniwang resulta ng Grand Lotto 6/55 draw, nangako si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na iimbestigahan umano nila sa senado ang tungkol dito.

MAKI-BALITA: Kaduda-duda? Pagkapanalo ng 433 bettors sa lotto jackpot, iimbestigahan ng Senado

Maging si Dr. Guido David, na isang professor sa University of the Philippines (UP)-Institute of Mathematics at isang OCTA Research Fellow, ay naghayag ng kaniyang pagtataka.

Maging si Dr. Guido David, na isang professor sa University of the Philippines (UP)-Institute of Mathematics at isang OCTA Research Fellow, ay naghayag ng kaniyang pagtataka.

“Baka naman may possibility dahil may pattern, ito ay mas maraming pumusta sa ganitong sequence ng numbers dahil may pattern nga, so hindi naman natin sinasabing imposible. Napakaliit ng probability na may 400 na manalo nang sabay sabay,” pahayag niya.

MAKI-BALITA: Kaduda-duda? Pagkapanalo ng 433 bettors sa lotto jackpot, iimbestigahan ng Senado

Depensa naman ni Robles, normal lang at walang iregularidad ang resulta sa nabanggit na grand lotto draw. Nanindigan din umano siya na walang dayaang nangyari sapagkat tiwala ng taumbayan ang kanilang puhunan sa palaro.

MAKI-BALITA: PCSO, nagpaliwanag sa kontrobersiyal na pagtama ng 433 bettors sa P236-M GrandLotto 6/55 jackpot

KAUGNAY NA BALITA: Sunod-sunod na panalo sa lotto, normal pa ba? Balikan ang bilang ng lotto winners mula 2010

Pero hindi rito natatapos ang pagdududa ng taumbayan sa nangyayari sa PCSO. Noong Enero 2024, nag-viral ang edited photo ng isang lone bettor na nag-uwi ng ₱43M sa Lotto 6/42.

MAKI-BALITA: Dinogshow: Nanalong lone bettor ng Lotto 6/42, 'kahina-hinala' raw

Dahil dito, pinagbibitiw ni Surigao del Norte 1st district Rep. Robert Ace Barbers sa posisyon si Robles para mapatay na umano ang apoy ng nasabing isyu.

MAKI-BALITA: Rep. Barbers, pinagbibitiw sa puwesto si PCSO chief Robles

Pero ayon sa paliwanag ni Robles sa isang panayam pagkatapos kumalat ang nasabing larawan, sinadya raw talaga nilang i-edit ito for “security reasons.”

“Ine-edit po talaga ‘yon… ang objective po talaga is to keep the anonymity. Pero… we have to show the people na may totoong nanalo at the same time without violating naman ‘yong privacy niya…” aniya.

MAKI-BALITA: PCSO Gen. Manager, nagsalita tungkol sa pag-edit nila ng larawan ng mga nananalo sa lotto

Tila buo rin ang kumpiyansa ni Robles na kaya nilang patunayan na wala umanong anomalyang nangyayari sa loob ng PCSO. Sa katunayan, inanyayahan pa niya ang mga senador na personal na obserbahan ang proseso ng lotto.

MAKI-BALITA: Mga senador, inanyayahan ng PCSO na personal na obserbahan ang proseso ng lotto

MAKI-BALITA: GM Robles, kayang patunayan na walang anomalya sa operasyon ng lotto

Bukod sa mga umano’y kaduda-dudang anomalya sa PCSO, binabanatan ni Maharlika si Robles dahil din sa pagiging malapit nito kay First Lady Liza Araneta-Marcos na misis ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. 

Matatandaang si Maharlika ay dating solidong tagasuporta ni PBBM lalo na noong 2022 presidential elections.

Kaya sa mga susunod na mga araw o buwan, abangan na lamang kung ano ang kahihinatnan ng isinampang kaso ni Robles laban sa boldyakerang vlogger. 

Ang tatayong legal counsel ni Robles ay ang abogadong si Camille Vasquez, ang naging abogado ng American actor na si Johnny Depp laban sa dati nitong asawa na si Amber Heard.

MAKI-BALITA: American lawyer Camille Vasquez, tatayong legal counsel ni Mel Robles; magkano kaya ang bayad?